Paboritong mukbangin ng isang lalaki ang tila kanin na mga itlog ng langgam na itinuturing exotic food sa Botolan, Zambales. Ligtas ba itong kainin? Alamin.
Sa nakaraang episode ng “Dami Mong Alam, Kuya Kim!” ipinakilala si Robert David, na mahilig kumain ng mga itlog ng langgam o “Hubok” kung tawagin sa kanilang lugar.
Kinukuha ito ni Robert mula sa lungga ng mga langgam, at nilalagyan ng suka at mga sahog. Ilang saglit lang, mayroon na siyang kinilaw na itlog ng hubok na kaniyang nilalantakan.
Abuos naman ang tawag sa itlog ng hubok o hantik sa Ilocos region na kinakain din doon.
“Noong una po namin natikman 'yung itlog po ng abuos, medyo po siya asim-asim konti 'yung kaniyang lasa,” sabi ni Robert.
“Bilang isang katutubo, namana na namin sa aming mga ninuno 'yung pagkain ng abuos. Dahil noong bata pa kami, nakikita na namin na kumukuha po sila itong itlog ng abuos,” paliwanag pa niya.
Nagmula ang abuos sa ant species na weaver ants o hantik, na may kakayahang humabi ng pugad gamit ng mga dahon. Laway ng kanilang larvae ang kanilang gamit para idikit at pagsama-samahin ang mga dahon para makabuo ng pugad.
Matatagpuan mga pugad ng hantik sa mga puno ng mangga, santol at ibang malalaking puno sa kagubatan.
Hindi madali ang pag-ani ng mga itlog ng hubok dahil sabay-sabay kung umatake ang laggam na ito.
“Kunting galaw mo lang ng bahay nila, maaalarma na po sila niyan. Ngayon, ikaw 'yung kumukuha na tao, agad siyang dadapo sa balat mo at kakagatin at kakagatin ka nila,” sabi ni Robert.
Kung sa Thailand naman, Kai Mot Daeng ang tawag sa abuos, na hinahanda sa sabaw at salad.
“Ang itlog ng hantik ay karaniwang kinakain sa parte ng Ilocos at Abra. Ito ay parte ng kanilang delicacy or exotic food sa kanilang lugar. Ang itlog ng hantik ay mayaman sa protina. Ito rin ay nagtataglay ng iron, ng calcium, ng phosphorus, at ng zinc na nagpapaganda ng ating kalusugan,” sabi ng nutritionist na si Prof. Lindsay Alvarez.
“May babala rin siya sa pagkaing ito sapagkat kailangan itong maging malinis bago natin kainin. At ang dapat alamin ng mga kumakain nito ay ang pinagmulan. Kasi meron tayong mga galing nga sa puno at meron din tayong galing sa lupa,” dagdag ni Alvarez.
Nagpayo rin ang nutritionist ng tamang preparasyon, tamang paglilinis at tamang pagluluto sa itlog ng hubok para ligtas itong kainin.—FRJ GMA Integrated News
