Kung aso at pusa ang karaniwang alaga sa mga bahay, ang isang mag-asawa sa Bulacan, mga naggagandahan at makukulay na ibon ang piniling alagaan sa kanilang isang ektaryang farm. Kabilang sa kanilang mga alaga, ang isang loro na kasing talino umano ng human toddler o batang paslit.
Sa nakaraang episode ng “I Juander,” itinampok ang beterinaryong si Dr. Robert Herrera, founder ng Victoria Bird Farm, at kaniyang asawa na si Ramona.
“’Yung tatay ko nu'ng sinaunang panahon, talagang gusto niya sana maging beterinaryo. Pero ang hirap ng buhay pa nila nu'ng panahon na ‘yun, nailipat niya sa akin 'yung hilig sa hayop,” kuwento ni Dr. Robert.
Dati, aso ang matalik na kaibigan ni Dr. Robert, hanggang sa maging ka-buddy niya na rin ang mga makukulay na ibon. Kalaunan, inumpisahan niya na ring paramihin ang mga ito.
Ayon naman kay Ramona, ilan sa kanilang mga naging ibon ang African Grey Parrot, Cockatoo, Macaw, Peacock, Peasant, at Green junglefowl.
Ang host na si Empoy Marquez, malapit din sa puso ang mga ibon. Nag-alaga siya ng isang Cockatiel na nagngangalang si Cocker noong kasagsagan ng pandemya.
Pinapakain nina Dr. Robert at Ramona ang nasa 50 nilang mga ibon kada araw, at 60 kung breeding season.
Mahalaga ang aviary o tamang kulungan pagdating sa pag-aalaga ng ibon, na sapat dapat ang laki para maging komportable at makalipad sila nang maayos.
Isa sa pinakapaboritong alagang ibon ni Dr. Robert ang African Grey Parrot, na isa sa pinakamatalinong loro sa buong mundo.
Mayroon itong kulay-abong balahibo, pula ang buntot, at kayang mabuhay ng 50 hanggang 60 taon.
Ayon kay Dr. Robert, sensitibo rin ang mga naturang loro sa emosyon ng tao.
“Napakagaling nila na mag-mimic. Ultimo tunog ng cellphone, kaya. Kapag kasi inalagaan mo sila na hand-fed na kamukha ng alaga natin, ang bonding nu’n sa tao maganda rin,” sabi ni Dr. Robert.
Ilang beses nang naitala sa Guinness World Record ang kakaibang kakayahan ng African Grey Parrot, na kasing talino umano ng human toddler o batang paslit.
Matatagpuan din sa Victoria Bird Farm ang Bornean Crested Fireback, na isa nang endangered species.
Itinuturing itong rarest species sa buong mundo. Pero masuwerte ang Victoria Bird Farm sa Pilipinas dahil ito ang pinakaunang nakapag-alaga nito.
“Sa studies kasi, sa science naman, ‘pag tayo ay may pet, nabu-boost also ang mga happy hormones. For example, kung ka-bonding natin sila, kina-cuddle dito sa lap, kasabay matulog, tumataas 'yung level of oxytocin, which is the bonding hormone. Meron mga, sometimes they request ng letter, 'yung clearance sa amin para to have emotional support na animals,” paliwanag ng psychiatrist na si Dr. Joan Mae Perez-Rifareal.-- FRJ GMA Integrated News
