Nagsimula lamang sa food cart ng mini pancakes na may puhunang P10,000, lumawak ang negosyo ng isang mag-asawa hanggang sa maging all-in catering services na sila para sa mga event. Ang kanilang kita, umaabot ng seven digits kada buwan sa peak season.
Sa nakaraang episode ng “Pera Paraan,” itinampok si Bea Ramada, owner ng Cutie Pans - Event Services, na nag-aalok ng iba't ibang food at souvenir options para sa cocktail hour ng mga event.
Ang kanilang mini pancakes cart na puwede na para sa 70 guests, nagsisimula sa P12,900 ang rate. Nag-aalok din sila ng Fried Goodies Food Cart na may fries at street food options, at refreshing slushies na panulak na marerentahan ng P13,200 para sa 70 katao.
Maaari ding kunin ang kanilang take-all package na may mini pancakes, fried goodies, at slushies na nagkakahaga ng P39,600 (70 pax) hanggang P59,800 (200 pax) ang all-in rate.
Para sa panghimagas, may pastries bar din sila na mula P23,800 ang presyo.
May techie din na pakulo sina Bea na 360 video booth kung saan tatayo para sumayaw-sayaw ang guests habang kinukunan ng umiikot na camera. Maaari itong makuha ng P14,800 para sa tatlong oras.
Bago nito, 2023 nang sabay mawalan ng trabaho sina Bea at kaniyang asawa, nang tumigil sa production ang kanilang client.
Wala silang pagkukunan ng pera kaya naisip nilang magnegosyo sa events industry.
“Marami pong pera sa events industry. Hindi lang po siguro alam nu’ng nakakarami kasi hindi siya ganoon ka-mainstream unlike ‘yung restaurant, coffee shop. Hindi alam nung iba na maraming opportunity sa events industry, especially if creative kang tao,” ani Bea.
Naglabas sina Bea ng P10,000 para magpagawa ng food cart at bumili ng ingredients para sa mini pancakes. Ginamit ni Bea ang social media para paingayin ang kanilang negosyo.
“Naghanap po ako ng micro-influencers and then ‘yung isa, unexpectedly, CEO ng isang aesthetics clinic. And then, sa wedding niya, nandu’n pala sila Miss Venus Raj, mga politicians and businessmen. So, talagang blessing talaga si ma'am sa amin kasi portfolio agad namin. So, from there, tuloy-tuloy na po, yun 'yung in-adds namin,” kuwento niya.
Sinulit na ni Bea ang oportunidad at sinikap na patibayin ang kanilang pangalan.
Mula sa mini pancakes, nagdagdag sila ng 10 food carts at 10 souvenir bars, isang 360 video booth at isang video guestbook.
“Within six months, dumami po siya ng ganiyan na kadami. Ang pinakamahirap sa amin was, sobrang bilis naman 'yung expansion namin na hindi po muna namin na solid 'yung system. Mga inventory, mga pag-handle ng tao, pag-handle ng logistics, ng crew. So, you have to be hands-on kapag magnenegosyo ka,” ani Bea.
Para pa sa kaniya, huwag matakot lumapit sa mga sikat.
“'Yung mga personalities naman na nabook namin, 'yung iba sa kanila, kami 'yung nag-reach out. Nag-send ako ng email sa kanila. As long as may opportunity nila mag-sponsor sa mga personalities, go po kami kasi dagdag siya sa trust ng future clients naming,” paliwanag niya.
Dahil sa kanilang pakulo, umaabot na sa 10 events kada araw ang kanilang booking.
“Kapag peak season po, per month, nakaka-hit po kami ng seven digits. Thirty percent is for reinvestment and then if may kailangan or may naisip kami to innovate, doon po namin siya ginagamit. Then the rest po is sa mga suppliers, sa mga tao and then konti lang po 'yung sabi doon,” sabi niya.
Binigyang-diin din niya ang confidence pagdating sa negosyo sa events industry.
“For me, number one, kapal ng mukha. People person ka. Kasi every event, you will talk to 50 to 200 guests at the same time. So, kailangan public speaking mo and 'yung customer service mo is very okay. And then the second is time management. Hindi ka puwedeng ma-late. Be creative as much as you can if you can offer any innovation or if you can offer 'yung something nakakaiba naman na may dadagdag mo sa service mo,” sabi ni Bea. – FRJ GMA Integrated News
