Nagdeklara ang pamahalaang panlalawigan ng Laguna ng suspensiyon ng face-to-face classes sa mga pampubliko at pribadong paaralan simula sa Martes, October 14 hanggang sa October 31, 2025, bilang pag-iingat sa posibleng lindol kapag gumalaw ang West Valley Fault.

Sa naturang panahon, magsasagawa ng alternative learning modes, gaya ng online o modular classes ang mga guro para sa kanilang mga estudyante.

Sa Facebook Live broadcast ni Governor Sol Aragones, ipinaliwanag niya ang desisyon sa pagsuspinde ng face to face classes ay bunga ng isinagawang konsultasyon sa disaster management teams at pag-analisa sa mga datos.

"Kinausap din po natin ang ating disaster team para alamin ang mga nakalatag na paghahanda, ano pa ang puwede nating gawin para matiyak na magiging ligtas ang ating mga kababayan, hindi lamang ang ating mga estudyante kundi ang ating mga kababayan dito sa Laguna at maging sa buong bansa," ani Aragones.

"Pero kinausap din po natin (sila upang) aralin kung ano ang mga may fault line o dadaanan nitong fault line dito sa lalawigan ng Laguna," dagdag pa niya.

Iginiit ni Aragones na ang kaligtasan ng mga estudyante ang kanilang pangunahing prayoridad.

"Ang lilipas na mga araw na walang klase o walang online classes ay puwede po nating habulin 'yan. Pero ang buhay ng tao isa lang, hindi na puwedeng maibalik pa. May panganib na nakaamba at ito rin ang kinumpirma at sinang-ayunan ng iba't ibang departamento o institusyon dito sa atin na kinausap natin kanina itong task force," paliwanag ng gobernadora.

Sinabi rin ng gobernadora na nauunawaan niya bilang isa ring ina ang pag-aalala ng mga magulang sa kaligtasan ng kanilang mga anak sakaling tumama ang lindol habang nasa eskuwelahan ang mga bata.

"Sa halip ay magkakaroon po tayo ng alternative delivery mode kasama po dito ang online class at modular class po natin," Aragones said.

Habang walang face to face classes, hinikayat ng mga awtoridad ang residente na pag-ibayuhin ang paghahanda sakaling magkaroon ng malakas na lindol. Ipasusuri din ang mga school building upang matiyak ang kaligtasan ng mga ito.

"Even if nothing happens, this is an opportunity to remain ready. Safety comes first, especially for our students," sabi ni Aragones.

Una rito, ipinaliwanag ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na hindi nakakaapekto sa West Valley Fault para gumalaw ang mga nangyaring paglindol sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

“Hindi po kasi magkakalayo sila,” sabi ni PHIVOLCS chief Dr. Teresito Bacolcol sa panayam ng Unang Hirit.

Tinutumbok ng West Valley Fault (WVF) ang Bulacan, Rizal, Metro Manila, Cavite, at Laguna.

Sa nakalipas na mga araw, sunod-sunod na lindol ang yumanig sa bansa:

  • Bogo City, Cebu - magnitude 6.9 noong September 30
  • Pugo La Union – magnitude 4.4 noong October 9.
  • Manay Davao Oriental - magnitude 7.4 at magnitude 6.8 noong October 10 (doublet)
  • Cagwait Surigao del Sur - magnitude 6.0 noong October 11.

 

– FRJ GMA Integrated News