Diretsahang sinagot ni Kris Bernal ang kaniyang bashers na nagsasabing “feeling” Heart Evangelista umano siya at naiinggit sa Kapuso Global Fashion Icon.

“Hindi ko alam bakit. Kasi kung feeling Heart Evangelista ako, ‘di sana meron din ako nu'ng mga Bulgari niya, 'yung lahat ng alahas niya. Hindi eh,” sabi ni Kris sa vodcast na “Your Honor.”

“O kaya meron akong kasing dami ng mga Birkin niya. Wala naman akong mga gano'n. Ginagaya ba in a way? Kasi hindi ko naiintindihan 'yung ginagaya,” pagpapatuloy ni Kris para itanggi ang hinala ng basher.

Ayon kay Kris, posibleng pareho lamang nilang gustong magkaroon ng mga luxury brand ni Heart pero hindi ito nangangahulugang nanggagaya siya.

“Ako talaga sasabihin ko, idol ko si Heart,” paglalahad ni Kris.

Inamin ni Kris na may mga pagkakataong nakararamdam siya ng inggit sa mga influencer na may luxury brands. Gayunman, sang-ayon siya sa host na si Chariz Solomon na ipakikita ng Panginoon sa tao kung ano ang totoong magpapasaya sa kaniya.

“Sa social media kasi ang dami mong makikita talaga. Pagandahan nga ng flex, ‘di ba? Pero may feeling ka na parang, ‘Masaya ako, so okay lang kahit hindi ko ma-experience ‘yan.’” saad niya.

Dagdag pa niya, mahalaga rin naman na maging kontento sa buhay.

“Na-inspire ako na parang kailangan ko pa magtrabaho, or parang gusto ko pa mag-open ng business para mabili ko yan, 'yung ganon. Pero, okay lang din naman sa akin na hindi, parang masaya naman ako na ito lang meron ako,” patuloy niya.

Ayon kay Kris, dapat lamang magsilbing inspirasyon at motibasyon ang mga taong kayang bumili ng mga luxury brand para magsikap sa buhay.

“Hindi siya inggit eh, na parang ‘Na-afford nila, baka ma-afford ko rin ‘yan in the future. Anong gagawin ko para ma-afford ko ‘yan?,” paliwanag niya.—FRJ GMA Integrated News