Nalagay sa panganib ang buhay ng isang mag-ama matapos silang masagi at takasan ng isang pickup truck na may plaka na pinapaniwalaang “diplomatic plate” sa Pasay City.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa GMA News Unang Balita nitong Huwebes, mapanonood ang viral video na hindi huminto ang puting pick-up matapos nitong masagi ang motorsiklo na minamaneho ng ama at angkas niya ang anak na batang estudyante sa bahagi ng EDSA nitong Miyerkoles ng umaga.
Pilit na hinabol ng rider ang pick-up hanggang sa maabutan nila ito malapit sa kanto ng service road matapos na maipit sa mga jeep.
Iniharang ng rider ang kaniyang motorsiklo sa harapan ng pickup bagaman hindi pa nakakababa ang kaniyang anak. Ang pickup, pilit pa pa ring sinusubukang tumakas at halos banggain ang motorsiklo kahit nandoon pa ang bata.
Tinangkang lapitan ng amang rider sa driver's side ng pickup upang kumprontahin, ngunit nakatiyempo ang driver at tuluyang tumakas.
Lumiko ang pickup sa Roxas Boulevard papunta sa Maynila.
Nagpunta ang amang rider sa malapit na estasyon ng pulisya para iulat ang insidente.
Nakipag-ugnayan na ang pulisya sa Land Transportation Office upang ma-trace ang may-ari ng sasakyan na hinihinalang diplomatic plate ang nakakabit.
"Probably parang diplomat number, pero hindi pa kami certain doon kaya iba-validate pa namin 'yung resulta ng verification namin sa LTO. Nag-conduct na rin kami ng backtracking dito sa area ng Roxas para malaman namin kung saan patungo,” sabi ni Police Captain Alvin Bagay, Chief Vehicular Traffic Investigation Section, Pasay CPS.
Maaaring maharap sa patong-patong na reklamo ang driver ng pick-up, kasama ang paglabag sa RA 4136 o ang Land Transportation and Traffic Code of the Philippines at Reckless Driving.
Susulat din ang pulisya sa LTO para masuspinde ang lisensya ng driver na nagmamaneho ng pick-up.
Patuloy ang pagkuha ng GMA Integrated News sa pahayag ng LTO pero hindi pa sila tumutugon.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
