Nalagay sa peligro ang buhay ng isang motorcycle rider nang muntikan na siyang tangayin ng rumaragasang tubig sa ilog sa Davao City. Ang motorsiklo niya, hindi nakaligtas.
Sa ulat ng GMA News Unang Balita nitong Biyernes, mapanonood sa video footage na pilit na tinatawid ng rider ang rumaragasang tubig sa ilog habang sakay ng kaniyang motorsiklo.
Maya-maya lang, hindi na niya kinaya ang agos at natumba ang rider.
Sa kabila nito, pilit niyang hinahatak ang kaniyang motor para hindi tangayin ng agos pero sadyang malakas ang tubig at nabitawan niya ito bago pa man siya makarating sa pampang.
Tinangay ng agos ang motorsiklo sa pababang bahagi ng ilog.
Ayon sa rider, nagmamadali siyang umuwi kaya pinilit niyang makatawid sa ilog.
Kinabukasan na nakita ang tinangay niyang motor at nakuha gamit ang backhoe.
Pahirapan din sa ilang residente at guro ang pagtawid sa ilog sa Senator Ninoy Aquino, Sultan Kudarat dulot ng walang tigil na ulan.
Nagkaaberya rin ang ilang tumawid ng ilog gamit ang kanilang motorsiklo nang pasukin ng tubig ang makina.
Samantala, hindi naman nagpapigil ang isang pamilya na magdiwang ng kaarawan ng isa nilang mahal sa buhay sa kabila ng perhuwisyong dulot ng sama ng panahon.
Nagmistulang pool party nang pasukin ng tubig ang bahay ng birthday celebrant. Itinaas na lang nila ang mga gamit. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
