Sa 1,700 silid-aralan na target na maipatayo ngayong 2025, lumabas na 22 pa lang ang natatapos, ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH). Isiniwalat ito ni Secretary Vince Dizon sa Senado nang talakayan ang panukalang P625.78-bilyong budget ng ahensya para sa 2026.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Finance, sinabi ni Dizon na 22 pa lang ang natapos, 822 ang kasalukuyang ginagawa, at 882 ang hindi pa nasisimulan.

“Totoo ba ’to? Ang baba nito ah... So, it’s a very deplorable rate of only 15.43%,” anang kalihim na kakaupo lang bilang pinuno ng DPWH noong Setyembre.

Nabahala naman si Senador Bam Aquino, chairman ng Senate Committee on Basic Education, sa mabagal na konstruksyon ng mga silid-aralan sa harap ng napalaking kakulangan nito sa edukasyon.

“Sinasabi pa lang na 22 lang ang nagawang classroom, sumasakit po ’yung puso ko,” sabi ni Aquino. Tinukoy rin niya ang kasalukuyang classroom backlog na nasa 146,000, at posibleng umabot sa 200,000 pagsapit ng 2028 kung hindi ito maaaksyunan.

Iminungkahi ni Aquino na ibigay ang pondo sa mga lokal na pamahalaan upang sila na ang magpatayo ng mga silid-aralan sa kanilang lugar.

Layunin ng panukalang Classroom-Building Acceleration Program na palawakin ang mandato sa labas ng DPWH, at isama ang LGUs at NGOs na may track record sa konstruksyon.

Nagpahayag din ng pagkabahala ang Department of Education (DepEd) sa mabagal na konstruksyon.

Nilinaw rin ng DepEd na walang delay sa SARO ((Special Allotment Release Order), ngunit inabot ng lima hanggang anim na buwan bago maipasa ng DPWH ang validated project amounts.

Bagama’t 22 pa lang ang natatapos ngayong taon, binigyang-diin ng DepEd na mula Hulyo 2022 hanggang Hulyo 2025, nakapagtayo na ng 22,092 classrooms sa buong bansa, at naibaba ang backlog mula 165,443 sa 146,708.

Upang mapabilis ang konstruksyon, isinusulong ng DepEd ang flexibility sa 2026 budget para payagan ang pagpapatayo ng classrooms hindi lang ng DPWH, kundi pati ng DepEd, LGUs, AFP engineering brigades, at sa pamamagitan ng PPPs.

Inanunsyo rin ng DepEd ang dalawang inisyatibo para sa transparency:

  • Paglulunsad ng online classroom dashboard para sa public tracking
  • Classroom Summit sa Nobyembre 20 para sa mas matibay na koordinasyon

-- mula sa ulat nina Giselle Ombay at Sherylin Untalan/ FRJ GMA Integrated News