Nagsalita na si Jillian Ward kaugnay sa mga malisyosong post sa social media na iniuugnay siya kay Chavit Singson. Nauna nang tinawag ni Chavit na “marites” o tsismis lang ang pag-uugnay sa kaniya sa Kapuso actress.

Sa episode ng “Fast Talk With Boy Abunda” ngayong Martes, sinabi ni Jillian na hindi pa niya nakikita nang personal si Chavit, na dati ring naging gobernador ng Ilocos Sur.

“Ito na po ‘yung first and last time na I speak about this. Pero never ko po siya nakilala, never ko po siya na-meet, never ko siya nakausap, never po kami nagkita,” pahayag ni Jillian.

“So hindi ko talaga alam, paano po nila, paano po nila nagawa lahat ng ito? Kasi never, never ko po talaga siyang na-meet. Never ko po siya nakausap,” dagdag niya.

Itinanggi rin ng aktres na isa si Singson sa mga naging sponsor ng kaniyang 18th birthday party. Hindi rin daw totoo na ninong ng isa niyang kapatid ang nabanggit na politiko.

“Hindi po talaga totoo. I never met him. Never po kaming nag-usap. I never met him. Hindi ko nga po alam kung kilala niya ako. Hindi po talaga kami magkakilala,” giit ni Jillian.

Hinamon ni Jillian ang mga nagpapakalat ng malisyosong tsismis at nagsasabi na may CCTV footage sila na ilabas nila ang video basta hindi AI o artificial intelligence.

Inilahad ni Jillian na nagsimula ang mga usapin tungkol sa pagkakaroon umano ng mga “benefactor” apat na taon na ang nakararaan.

“Noong una, sinasabi sa akin ng mga friends ko, akala ko parang meme na siya ngayon kasi sobrang absurd po ng mga kinukuwento nila. So, tinawanan ko pa siya noong una. Then, noong nagbasa po ako ng comments, sobrang na-hurt na po talaga ako kasi sobra po 'yung pangbabastos ng mga tao because of fake news,” sabi niya.

Hanggang sa hindi na siya nakatiis lalo’t dinadamay pati ang kaniyang pamilya at binabastos maging ang kaniyang ina.

“So, sabi ko, enough na po,” ani Jillian

“'Yung sinasabi po nila na binibenta raw ko ng mother ko, kaya raw po ako may investments. And, siyempre nakakabastos po 'yung sa mother ko tas iniisip ko din 'yung 15 years of hard work ko. Parang tinatapon lang nila lahat ng 'yun dahil sa fake news. Sa sobra po 'yung disrespect talaga sa comments,” dagdag niya.

Nakatakdang mapanood si Jillian sa upcoming Kapuso-action drama project "Never Say Die" kasama si David Licauco at Kim Ji Soo, at upcoming horror movie na "KMJS Gabi ng Lagim: The Movie." — FRJ GMA Integrated News