Ibinahagi ng ilan sa mga original na “Batang Bubble” na sina Isko Salvador, Caesar Cosme at Chito Francisco kung paano nagsimula at nabuo ang cast ng “Bubble Gang,” at sino ang nakaisip ng titulo nito.
Sa guesting nila sa vodcast na “Your Honor,” inilahad ni direk Caesar na konsepto ito ng dating Kapuso executive na si Marivin Arayata.
“Noong binubuo 'yung show, sabi niya ‘May title ako,’ so ‘yun na,” sabi ni direk Caesar.
Kuwento naman ni Isko, nagmula siya sa isang comedy show bilang writers kasama si Michael V. mula sa ibang network.
Kalaunan, na-cast na sina Sunshine Cruz, Aiko Melendez, Wendell Ramos at Antonio Aquitania, at iba pa na galing sa show na “That’s Entertainment.”
Tinanong ni Chariz kung sa simula pa lamang, naisip na nina Caesar na si Michael V. ang magiging comedy genius sa likod ng longest gag show na ngayon sa bansa.
Ayon kay direk Caeasar, nasa isang meeting sila noon nang tanungin siya tungkol sa casting.
“Sabi ko, ‘to be honest, wala pong komedyante diyan.’ Eh, siyempre, lagi kong pinagmamalaki ito. Sa tinanong ako, ‘Sino ang magaling?’ ‘Yun na,” kuwento ni Ceasar, na tinutukoy si Bitoy.
“Toybits. Kasi kasama namin sa ‘Tropa’ (Tropang Trumpo) eh,” dagdag niya.
Ayon kay Caesar, matagal daw niligawan si Michael bago nakumbinsi na sumali sa “Bubble Gang.”
Tatlong taon matapos umere ang Bubble Gang, nabuo naman ang segment na "Ang Dating Doon," na kinabibilangan nina Isko [Brod Pete], Caesar at Chito.
May two-part anniversary special ang ika-30 anibersaryo ng Bubble Gang na ipapalabas sa Oktubre 19 at 26.
Kabilang muling mapanonood sa show sina Ogie Alcasid, Ara Mina Maureen Larrazabal at Sam Pinto, at special guests din sina Vice Ganda, Esnyr at iba pa. – FRJ GMA Integrated News
