Patong-patong na reklamo ang posibleng kaharapin ng isang lalaki na personal na hinuli ni Land Transportation Office (LTO) Chief Markus Lacanilao, na unang sinita dahil sa ilegal na paggamit ng blinker sa minamaneho nitong sports utility vehicle (SUV) sa Aurora Boulevard sa Cubao, Quezon City nitong Huwebes ng umaga.
Sa pahayag ng LTO na naka-post sa kanilang Facebook page, nakasaad na bukod sa blinker, natuklasan ng mga awtoridad na mali umano ang motor vehicle (MV) file number ang nakalagay sa pansamantalang plaka na nakakabit sa sasakyan nito kaya kaagad na ipasuri.
Nang dalhin ang SUV sa LTO Central Office, lumitaw sa beripikasyon ng LTO Law Enforcement Service, na may opisyal na plaka na pala ang sasakyan na ibinigay dito noong 2023 ngunit hindi ito nakakabit.
“The driver was therefore cited for Failure to Attach License Plates in violation of Section 18 of Republic Act No. 4136, or the Land Transportation and Traffic Code, and for Use of Unauthorized Accessories under Presidential Decree No. 96,” ayon sa pahayag.
Ngunit maliban sa mga paglabag sa batas trapiko, nakitaan din ang driver ang isang pekeng ID at badge o tsapa ng Armed Forces of the Philippines (AFP), na nagdulot ng hinala ng posibleng identity misrepresentation.
Nang inspeksyon ang kaniyang sasakyan, makita pa sa kaniya ang isang peke o replika ng baril at ilang piraso ng tunay na bala ng 9mm, na nagpabigat pa sa mga reklamo na kaniyang kakaharapin.
Dahil dito, dinala ang driver sa Quezon City Police District (QCPD) para sa ilipat ang kaniyang kustodiya upang lalo pang maimbestigahan at paghahain ng mga kaukulang kasong kriminal. – FRJ GMA Integrated News

