Umusad sa semifinals ng Guangzhou Open doubles ang tambalan nina Alexandra “Alex” Eala at Ukrainian na si Nadiia Kichenok, matapos nilang talunin ang Russian tandem nina Polina Kudermetova at Kamilla Rakhimova sa iskor na 6-3, 7-5, sa quarterfinals nitong Biyernes sa China.
Tumagal ng mahigit isang oras ang kanilang laban.
Bagaman madaling pinaluhod nina Eala at Kichenok ang Russian tandem sa unang set sa iskor na 6-3, naging dikit naman ang kanilang paluan sa ikalawang set.
Nagkaroon pa ng pagkakataon na nagtabla ang dalawang grupo (3-3), at lumamang pa kalaunan sina Kudermetova at Rakhimova (4-3) bago umariba muli sina Eala at Kichenok sa sumunod na mga laro upang itala ang kanilang panalo.
Naunang tinalo nina Eala at Kichenok ang tambalan nina Emily Appleton at Qianhui Tang sa Round of 16, sa iskor na 6-4, 6-2.
<p><gallery id="gallery_5788"></gallery></p>
– FRJ GMA Integrated News

