Sa Halloween special episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" (KMJS), binalikan ang isa sa mga karumal-dumal na krimen na naganap sa Lipa, Batangas noong 1994, kung saan pinaslang sa loob ng kanilang bahay ang isang ina at dalawa niyang batang anak na babae. Ang mga kaluluwa ng mga biktima, patuloy nga bang nagpaparamdam?
Abril 9, 1994 nang paslangin sa kanilang bahay sina Helen Arandia, 34, at mga anak niyang sina Chelsea Liz, 6, at Ann Geleen, 4. Ang suspek sa karumal-dumal na krimen na si Elmer Palicpic, naaresto at nakakulong sa Sablayan Penal Farm sa Mindoro.
Wala sa kanilang tahanan ang padre de pamilya na si Ronald Arandia, dahil nagtatrabaho siya noon sa Saudi Arabia. Aniya, ang kaniyang kabiyak ang nagplano noon na ipinatayo nilang bahay.
"Siya [Helen] ang lahat ng nagplano nu'n. Siya ang bumili ng lote. Siya ang nagpagawa ng plano ng bahay," ani Ronald. "Kaya nagtiyaga ako sa Saudi para mapag-ipunan 'yon."
Binalikan ni Ronald ang araw na umuwi siya sa Pilipinas kung saan niya nalaman ang malagim na sinapit ng kaniyang mag-iina habang nasa eroplano siya.
"Napakahirap," saad niya. "Hindi ko alam kung sinong titingnan ko nu'ng time na 'yun kasi tatlo sila."
"Hindi ko alam kung paano ko nalampasan 'yun. Parang gusto ko na ring sumama sa kanila," patuloy niya.
Matapos mailibing ang kaniyang mag-iina, sinabi ni Ronald na patuloy niya nararamdaman ang mga ito.
"Lumamig 'yung dalawang braso ko. Ang inisip ko, naroon 'yung dalawang anak ko sa tabi ko," ani Ronald. "Noong babangon na ako, mukha ni Helen ang nakita ko. Ang sabi sa akin, mag-iingat ako. Pero hindi siya umiiyak."
Matapos ang mahabang panahon, nagdesisyon na si Ronald na ibenta ang kanilang bahay na kaniya ring pinabendisyunan.
"Sana OK na sila sa kabilang buhay, panatag na sila. At sana'y gabayan lagi nila ako," aniya.
Matapos ang masaker, may mga nangupahan sa bahay at naging usap-usapan ang mga umano’y pagpaparamdam na nangyayari sa mga tumitira rito.
Gaya ni Mary Lord, na mayroon mga nakikitang pigura pero hindi niya makita ang mukha sa loob ng bahay.
At nang minsan natutulog siya, may tila humahatak umano sa kaniya.
“Sinaksak po talaga ako na ang sakit-sakit," patuloy niya. "Nagising po [ako]. Pawis na pawis na takot na takot."
May nakikita rin umano siyang mga paa, at gumagalaw na mag-isa ang pintuan.
"Hinayaan ko pero hirap talaga akong matulog po dito sa bahay na 'to. Hirap po talaga," ani Mary Lord na umalis na sa bahay noong 2018.
Samantala, dalawang taon namang nanirahan sa naturang bahay ang pamilya ni Ofelia.
"Pagtira ko dito, unang gabi masarap ang tulog ko. Hindi naman nakakatakot. Pero naramdaman ko talaga, nandito sila," ani Ofelia. "Kasi s'yempre, dito sila namatay eh. Bahay nila 'to eh."
"Pangalawang araw ko, narinig ko 'yung parang may naggagalawan ba. Parang naglalakad. 'Yung parang maliliit na hakbang ba ng mga bata," patuloy niya.
May pagkakataon din umano nagpapatay-sindi ang ilaw sa banyo. Nang hindi na nila matagalan ang mga kakaibang nangyayari sa bahay, umalis na sila noong 2024.
Nang magtungo sa bahay ang paranormal investigator na si Ed Caluag, nairekord ang umano’y pagtugon ng kaluluwang naninirahan sa bahay sa pamamagitan ng pagkatok.
Sa simula pa lang, mabigat na umano ang naramdaman ni Ed, at may nadidinig siyang sumisigaw at humihingi ng tulong.
May mga hindi rin maipaliwanag na tunog na naitala sa electronic device na ginagamit ni Ed sa pakikipag-ugnayan sa mga kaluluwa.
At kahit nang makaalis na ang “KMJS” team sa bahay, may mga nai-record pa umanong hindi maipaliwanag na tunog sa lugar. Panoorin ang buong kuwento sa video. – Hermes Joy Tunac/FRJ GMA Integrated News
