Naging viral kamakailan ang video ng isang babae na umiiyak matapos umano siyang bastusin at pahiyain ng isang kawani ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Novalichez, Quezon City. Ano nga ba ang sinasabi ng batas tungkol sa maling asal ng isang public servant at ano ang mga karapatan ng mamamayan? Alamin.
Sa segment na “Ask Atty. Gaby” sa GMA show Unang Hirit, sinabing batay sa viral video, kukuha sana ng Taxpayer Identification Number o TIN ang babae.
Subalit ayon sa babae, pinagsabihan siya ng empleyado at tila minaliit dahil hindi siya gumamit ng online system.
Ayon kay Atty. Gaby Concepcion, nakasaad sa Republic Act 6713 o Code of Conduct for Public Officials and Employees, na dapat na laging magpamalas ng propesyunalismo ang mga opisyal at kawani ng pamahalaan.
Hindi umano sila dapat magpakita ng diskriminasyon laban sa pinagsisilbihan nilang mamamayan. Dapat din umanong magbigay sila ng mabilis, sapat at tapat na serbisyo sa mga tao.
Obligasyon umano ng opisyal at kawani sa gobyerno na maging magalang sila sa pakikitungo sa mga tao. Bawal silang mambastos at mang-insulto.
Ang naturang maling gawi ay pagpapakita umano ng kawalang-galang habang ginagampanan nila ang kanilang tungkulin sa mga tao. Maituturing ito na isang kasalanan na maaaring maging dahilan para parusahan sila gaya ng reprimand, suspension, o posibleng dismissal o pagkakaalis sa trabaho.
Ang mga tao na makararanas ng pambabastos mula sa mga opisyal o kawani ng gobyerno ay maaari umanong magsumbong sa mismong pinuno ng ahensiya kung saan nagsisilbi ang irereklamo, o kaya naman ay sa Civil Service Commission, at maging sa Anti-Red Tape Authority.
Maaari ding magreklamo ang publiko sa government hotline na 8888, na mabilis umanong umaksyon.
Paalala ng programa, ang publiko o ang mga tao ang tunay na boss ng mga opisyal at kawani sa gobyerno na dapat nilang pagsilbihan nang may respeto at paggalang.—FRJ GMA Integrated News
