Inihayag ng Department of Budget and Management (DBM) ngayong Martes na matatanggap na ng mga kawani ng gobyerno ang kanilang year-end bonus at cash gift sa kanilang unang payroll ngayong Nobyembre 2025.
Sa pahayag ng DBM, sinabing batay sa Budget Circular No. 2024-3, karapatan ang mga kawani ng gobyerno na tumanggap ng year-end bonus na katumbas ng isang buwang basic pay batay sa sahod noong Oktubre 31, at P5,000 na cash gift.
“Pursuant to Budget Circular No. 2024-3, the year-end bonus and P5,000 cash gift will be released with the first agency payroll of November 2025,” ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman.
Sinabi ng DBM na taunang ibinibigay ang year-end bonus at cash gift bilang pagkilala sa “hard work and dedication of government workers nationwide.”
Ngayong taon, naglaan ang DBM ng P63.69 bilyon para sa year-end bonus ng mga sibilyan at uniformed personnel, at P9.24 bilyon para sa cash gift, para sa mahigit 1.85 milyong empleyado ng gobyerno sa buong bansa.
Batay sa patakaran ng DBM, may karapatang tumanggap ng year-end bonus at cash gift ang mga empleyado na nakapagsilbi ng hindi bababa sa apat na buwan mula Enero 1 at nananatili sa serbisyo hanggang Oktubre 31.
Pinaalalahanan din ng ahensya ang lahat ng tanggapan ng gobyerno na agad na ipalabas ang mga bonus alinsunod sa umiiral na mga budget circular.
“The DBM is one with the President in ensuring that our public servants feel the warmth of our Bagong Pilipinas,”ani Pangandaman.
“We know how much government personnel look forward to this time of the year not just because it’s the season of giving, but because it’s a well-deserved recognition of their service and sacrifice,” dagdag ng kalihim. — mula sa ulat ni Ted Cordero/FRJ GMA Integrated News
