Patay ang rider at live-in partner na angkas niya nang masagasaan sila ng bus sa Misamis Oriental. Bago ang insidente, napag-alaman na may nasagasaan na aso sa daan ang mga biktima kaya natumba ang sinasakyan nilang motorsiklo.

Sa ulat ni Cyril Chaves sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Huwebes, sinabing nangyari ang trahediya sa national highway sa Barangay Aplaya sa Jasaan, Misamis Oriental nitong Miyerkoles, November 5, 2025.

Sa CCTV footage, makikita na sumemplang ang motorsiklo na sinasakyan ng mga biktima nang masagaan nila ang tumawid na aso. Napunta ang dalawang biktima sa kabilang linya ng kalsada na nagkataon na may paparating na pampasaherong bus at nagulungan ang dalawa.

Ayon sa pulisya, kaagad na nasawi ang dalawa, na parehong residente ng Gingoog City, at patungo sa direksyon ng Butuan City nang mangyari ang insidente.

Isinailalim sa kustodiya ng pulisya ang driver ng bus pero sinabi ni Police Regional Office-Northern Mindanao (PRO-10) Spokesperson, Police Major Joann Navarro, na may pag-uusap ang pamilya ng biktima at kompanya ng bus.

Inaalam naman ng mga awtoridad kung may nagmamay-ari sa tumawid na aso dahil may pananagutan ito sa ilalim ng Animal Welfare Act, na kailangan niyang i-secure ang alaga upang hindi maging banta o magdulot ng kapahamakan sa iba.—FRJ GMA Integrated News