Nakalusot sa pagkakakulong ang isang ama na nagnakaw ng gatas sa tindahan para sa kaniyang anak nang bayaran na lang ng hepe ng Tabuk City Police Station sa Kalinga ang gatas dahil sa awa. May iba pang ginawa si hepe para sa lalaki.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, batay sa report ng pulisya, nahuli-cam sa CCTV camera ng pamilihan ang ginawang pagnanakaw ng ama sa gatas.
Dinala sa police station ang ama at inimbestigahan at doon nalaman ng hepe na nawalan ng trabaho ang ama at iniwan ng asawa kaya siya na lang ang nag-aaruga sa bata.
Upang hindi na makasuhan at makulong, ipinakita ng hepe ng Tabuk City Police Station na si Police Lieutenant Colonel Jack Angog, ang awa at pang-unawa sa sitwasyon ng ama, at binayaran na lang ang gatas.
Sinabi rin ni Angog na tinulungan nila ang ama na makahanap ng bagong trabaho.
“Naintindihan naman natin yung case ng suspek kaya sabi ko bayaran na lang natin, nakakaawa naman. Sabi ko huwag nang uulitin ‘yan. Ang ginawa natin, tinulungan din natin maghanap ng trabaho para hindi na maulit,” ayon kay Angog, na umani ng papuri sa mga netizen dahil sa kaniyang ginawa.—FRJ GMA Integrated News
