Suspendido ang pasok sa ilang paaralan at trabaho sa mga tanggapan ng gobyerno sa ilang lugar sa bansa sa Miyerkoles, Nobyembre 12 dahil sa epekto ng pananalasa ng Super Bagyong "Uwan."

Sa Facebook post ni Nueva Vizcaya Governor Jose Gambito nitong Martes, inihayag niya na walang pasok sa lahat ng antas ng paaralan-- pribado at pampubliko—sa buong lalawigan dahil sa marami pang kalsada ang hindi madaanan at mga lugar na hindi mapuntahan.

Wala ring pasok muna sa mga tanggapan ng lokal na pamahalaan, para mabigyan din ng pagkakataon ang lahat na makabawi mula sa epekto ng bagyong Uwan.

“However, all government employees working in finance offices may report to work or may be on call, subject to applicable laws, rules and regulations,” ayon sa pahayag. “The suspension of work in private companies and offices is left to the discretion of their respective heads.”

Sa hiwalay na pahayag sa FB post ni Tuguegarao, Cagayan Mayor Maila Ting Que, ipinaalam niya na wala ring pasok sa mga paaralan sa lahat ng antas, kabilang ang Law, Medicine, at Graduate Studies, face-to-face man o online, gayundin sa lahat ng government offices, para sa pinamumunuan niyang lungsod.

Gayunman, may pasok sa trabaho ang mga frontliners at mga ahensyang may kinalaman sa disaster response at essential services.

"Ipinapaubaya naman po namin sa pamunuan ng mga pribadong sektor ang desisyon hinggil sa kanselasyon ng trabaho sa kanilang tanggapan. Gayunpaman, dapat bigyang konsiderasyon ang kapakanan at kaligtasan ng mga empleyado,” ayon sa alkalde.

Suspendido naman mula sa Miyerkules (Nov.12) hanggang Biyernes (Nov. 14)  ang face to face classes sa lahat ng antas sa bayan ng Hinigaran sa Negros Occidental. Hinikayat ni Mayor Mary Grace Arceo ang mga paaralan na magpatupad ng alternative mode of learnings gaya ng modular.

Wala rin munang face to face classes sa Daycare hanggang Senior Highschool sa bayan ng Basista, Pangasinan mula November 12 hanggang 14. Hinikayat din ang mga paaralan na magpatupad ng modular distance learning.

Sa Binmaley, Pangasinan, suspendido ang klase sa pampublikong mga paaralan sa lahat ng antas sa Miyerkoles, “to allow the assessment of the safety and structural integrity of school buildings and vicinities by the Municipal Engineering Office and respective school heads.”

Ipinapaubaya naman sa mga pamunuan ng pribadong mga paaralan kung magsusupendi rin sila na itutuloy na ang pasok.

Suspendido rin ang mga klase sa Aparri, Cagayan, sa lahat ng antas, pribado at pampublikong paaralan sa Miyekoles.

Nagdeklara ang lokal na pamahalaan ng Solana, Cagayan na walang pasok sa lahat ng antas ng paaralan, pribado at publiko sa Miyerkoles.

 

I-refresh ang page para sa update- -FRJ GMA Integrated News