Naglabas ng saloobin si AJ Raval sa akusasyong naging “kabit” o third party siya sa hiwalayang Aljur Abrenica at Kylie Padilla. Ang aktres, iginiit na hindi siya makikipagrelasyon kay Aljur kung may kinakasama na ito.
Sa ikalawang bahagi ng panayam kay AJ, na kasama ang ama nito na si Jeric Raval sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Huwebes, inalmahan ng aktres ang mga paratang laban sa kaniya.
BASAHIN: Kylie Padilla, may komento kasunod ng rebelasyon ni AJ Raval
“Masakit po ‘yon para sa'kin. Tinatanong ko 'yung sarili ko na, bakit ako 'yung nagsa-suffer sa kasalanan na hindi ko naman ginawa?” sabi ni AJ.
Kalaunan, natutunan umano ni AJ na hindi na magpaapekto sa mga akusasyon na ibinabato laban sa kaniya.
BASAHIN: AJ Raval, sinabing may lima na siyang anak; 3 ang mula kay Aljur
“And then, dumating po ako sa point na parang quickly, Tito Boy, paiba-iba po ang pinag-uusapan, trending. Merong normal na tao, politics, artista, sinuman. Naisip ko, Tito Boy, hindi naman sa akin umiikot 'yung mundo. So, ba't ako magpapaapekto? Kaya dedma na lang,” paliwanag niya.
Iginiit ni AJ na noong manligaw sa kaniyang pamilya si Aljur, hindi na nagsasama ang aktor at si Kylie.
“Noong time na pinupuntahan ni Aljur kami sa bahay, hindi naman na po sila nagsasama nu'ng time na ‘yun. Hiwalay na po sila. Nasa Batangas po sila,” anang aktres.
Kinumpirma ni Jeric na diretsahan niyang tinanong si Aljur kung hiwalay na sila ni Kylie, bago ito manligaw sa kaniyang anak na si AJ.
“‘Yun ang una kong tinanong sa kaniya. ‘Hiwalay ka ba?’ Sabi niya ‘Hindi na po kami nagsasama.’ ‘Okay,’” kuwento ni Jeric.
Giit pa ni AJ, “Hindi ko po gagawin ‘yun, kung may kinakasama si Aljur. Hindi po talaga.”
“Napagbintangan lang ako,” ayon pa sa kaniya.—FRJ GMA Integrated News

