Sa halip na magpokus sa negatibo, isang shop ang ginawang pa-contest ang tangkang pagnanakaw sa kanila ng isang lalaki, nang pahulaan nila sa followers kung ilang chocolate bar ang dapat sanang tatangayin ng ng suspek na nahuli-cam sa CCTV sa Tacloban City.
Batay sa video ng Chocolate Republic Tacloban na iniulat ng GMA Integrated Newsfeed, mapanonood na tila “add to bag” na ginawa ng isang lalaki sa halip na “add to cart,” nang kumuha siya ng ilang chocolate bar sa estante bago ipinasok ang mga ito sa kaniyang bag.
Ngunit naudlot ang plano ng lalaki dahil sa alistong kahera.
“Our cashier noticed his suspicious behavior, and the man failed to hide the [chocolates] - probably because he panicked,” sabi ng Chocolate Republic Tacloban.
Dahil dito, patay-malisya ang lalaki na ibinalik ang mga tsokolate sa istante.
Nagpanggap pa ang lalaki na sinusuri isa-isa ang mga chocolate bar habang nagpapalinga-linga sa gawi ng kahera.
Hanggang sa may mga customer na rin ang pumunta sa tabi ng lalaki.
Nang mapagtanto ng lalaki na wala nang pag-asa na makatangay siya ng mga paninda, umalis na lamang siya ng shop na walang natangay.
Minabuti ng may-ari ng shop na i-post ang video sa Facebook. Dahil agad na nag-viral, may naisip na pa-game ang shop.
“As owners, instead of focusing on the negative side, we decided to make light of the situation by hosting a fun game for our Facebook followers - guessing how many chocolate bars the man tried to put inside his bag,” sabi ng Chocolate Republic Tacloban.
Ang premyo ng mga nanalo, tig-iisang chocolate bar na kagaya ng sinubukang nakawin ng lalaki.
Nakatutuwa man ang ending, umaasa ang may-ari na hindi na mauulit ang ganitong insidente.
Nagpaalala rin siya sa mga kapwa negosyante na maging mapagmatyag lalo ngayong malapit na ang Pasko.
“This post isn’t meant to shame anyone, but to remind fellow business owners to stay alert and vigilant at all times,” sabi ng Chocolate Republic Tacloban. –Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
