Ikinuwento nina Aira Bermudez at Jopay Paguia na may mga pagkakataon na nabibiktima silang mga miyembro ng “Sexbomb Dancers” ng mga lalaking fans na hindi mapigil ang panggigil sa kanila. Alamin kung papaano nila protektahan ang isa’t isa at ang ginagawa nilang “resbak.”

“Ay, oo marami kaming kuwento diyan,” sabi ni Aira sa vodcast na “Your Honor” tungkol sa mga insidente na may nagnanais na hawakan sila sa parte ng katawan na hindi sila dapat hawakan.

“Oo, nanapak kami,” natatawa namang pag-alala ni Jopay.

Kuwento ni Jopay, pinoprotektahan ng Sexbomb dancers ang kanilang mga sarili mula sa mga mapagsamantalang fans. Ginagamit umano nila ang kanilang mga kamay para ipangtakip sa maselang bahagi ng kanilang katawan.

Ngunit may pagkakataon na may mga male fans na nakalulusot sa kanilang masamang balak.

“Naalala ko noon, paakyat kami, kasi sa mga campaign ito. So, may bus kami doon, buong Sexbomb. Tapos siyempre, doon sa labas, nandiyan na 'yung mga tao, talagang hahablutin kami. O, girls, ‘pag naglakad kayo, kamay sa harap (dibdib), ito (kaliwang kamay) sa baba (maselang bahagi ng katawan). Gano’n. Nakaganiyan kami lagi,” sabi niya.

Sa kabila nito, may isang kagrupo pa rin silang nahipuan.

Pagdating nila sa bus, umiyak ang nahipuang Sexbomb at itinuro kung sino ang lalaking nanghipo.

“Paki-akyat,” sabi ni Jopay na hiling daw ng grupo sa mga nag-a-assist sa kanila.

“Pagdating sa loob eh, ‘Bang!’ Talagang ginulpi namin sa loob,” pag-amin ni Jopay. “Sorry. Alam mo ‘yun.”

“Hindi lang na may isang beses nangyari. Talagang ‘pag may umulit, hahablutin talaga namin,” pagsegundo naman ni Aira.

May isa pang karanasan ang Sexbomb sa isang show sa probinsiya na namamatay-matay umano ang ilaw. Kaya hindi na raw nila natapos ang kanilang pagtatanghal at umalis na sila, na nataon ding umuulan.

Pero habang naglalakad, may narinig sila na na kagrupo na sumisigaw ng, “No, no, no!”

“Pagtingin namin tapos may ilaw na, hawak siya ng matandang lasing,” ani Jopay.

Sa huli, nakatikim din ang lalaki ng ganti mula sa grupo ang lalaki.

“Minsan kasi nagiging wild talaga sila,” sabi ni Aira.

Nakatakdang ganapin ang reunion ng Sexbomb sa Disyembre 4 sa Smart Araneta Coliseum.

Nagpahiwatig naman si Rochelle Pangilinan ng posibleng dalawang araw na concert matapos ma-soldout ang tickets para sa nakatakdang unang araw ng kanilang pagtatanghal. – FRJ GMA Integrated News