Nasa ospital pa rin sa Thailand si Miss Universe Jamaica Dr. Gabrielle “Gabby” Henry matapos siyang mahulog sa entablado sa naturang pageant na ginanap sa nasabing bansa kamakailan.
Sa Instagram, sinabi ng pageant na kailangang manatili si Gabby sa Intensive Care Unit (ICU) nang hindi bababa sa pitong (7) araw, “as doctors continue their close monitoring and specialised care.”
Kasama niya ang kaniyang kapatid na si Dr. Phylicia Henry-Samuels at ang kanilang ina na si Maureen Henry.
“Gabby isn’t doing as well as we would have hoped, but the hospital continues to treat her accordingly,” ayon kay Phylicia.
Nanawagan ang Miss Universe Jamaica Organization sa mga Jamaican at pageant fans na ipagdasal si Gabby.
Hiniling din nila sa publiko na iwasan ang pagpapakalat ng negatibong komento, maling impormasyon, o espekulasyon na maaaring magdulot pa ng dagdag na stress sa pamilya.
“Our primary focus remains on Gabrielle’s recovery and the well-being of her loved ones. We kindly request continued compassion, sensitivity, and privacy as the family navigates this challenging period,” ayon sa Miss Universe Jamaica.
Nahulog si Gabby mula sa main stage sa evening gown portion ng preliminary competition at kinailangan siyang ilabas gamit ang stretcher at agad na isinugod sa ospital.
Sa naturang patimpalak, si Fatima Bosch ng Mexico ang itinanghal na Miss Universe 2025. Nagtapos naman si Ahtisa Manalo ng Pilipinas bilang third runner-up. —Nika Roque/FRJ GMA Integrated News

