Sa loob ng 36 oras, maingat na sinuyod ng mga awtoridad ang isang swamp na may mga buwaya sa Florida, USA para hanapin at hulihin ang isa umanong carnapper. Pero sa halip na buwaya, aso ang nakakagat sa suspek sa ikalawang araw ng pagtugis na dahilan din para mahuli siya.

Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing natunton ng mga awtoridad ang hinahanap nilang suspek matapos itong sumigaw nang malakas dahil sa matinding kagat ng aso sa kaniya.

Bago nito, tinugis ng mga awtoridad ang 37-anyos na suspek sa swamp. Namataan na nila ang suspek na nakalusong sa tubig pero hindi ito sumuko, at sa halip ay nagpatuloy sa pagtakas sa masukal na bahagi ng swamp.

Halos dalawang araw nang sinisuyod ng mga awtoridad ang lugar nang makarinig sila nang malakas na sigaw.

Naabutan na pala ng K-9 unit o aso na kasama ng mga pulis, ang nagtatagong suspek.

Sinunggaban ng aso sa braso ang suspek at hindi niya nilubayan hanggang sa dumating ang mga pulis.

“The dog took a nice chunk out of his bisep. If you’re going to get bit, it’d rather be a dog than a gator,” ayon kay Sheriff Mike Chitwood ng Volusia County.

Naka-boxer shorts ang suspek, nakayapak lang, at puro putik ang mukha nang mahuli.

Uhaw na uhaw umano ito at idinaing na masakit ang binti dahil sa halos dalawang araw na pagtatago sa swamp.

Isa ang naturang suspek sa tatlong lalaki na tumangay umano sa isang truck sa Volusia County. Pero nauna nang naaresto ang dalawa niyang kasama.

Madaragdagan pa ang kaso ng suspek na nahuli sa swamp dahil may dala din siyang baril at illegal na droga. – FRJ GMA Integrated News