Umakyat na sa 65 ang nasawi sa sunog na tumupok sa pitong high-rise building sa Tai Po District, Hong Kong. Kabilang naman sa mga dinala sa ospital ang isang overseas Filipino worker (OFW), habang 19 na iba pang Pinoy ang kompirmadong ligtas na.
Sa ulat ni Darlene Cay sa GMA News 24 Oras nitong Huwebes, sinabing kasama ng OFW na dinala sa ospital ang kaniyang amo, at alagang sanggol, batay sa impormasyon mula sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Ang naturang OFW umano ang boses sa isang nag-viral na audio recording na humihingi ng tulong habang nagaganap ang sunog.
Nasa 70 hanggang 80 OFWs umano ang may rehistradong address sa naturang housing complex.
Hindi pa masabi kung totoo na may mga Pilipinong na-trap o nakulong sa loob ng nasusunog na mga gusali sa Wang Fuk Court housing complex.
“Ayaw din natin mag-panic nang husto yung pamilya sa Pilipinas kasi baka naman wala sila doon, baka nasa ibang lugar sila,” ayon kay Migrant Workers Secretary Hans Cacdac.
Patuloy ang pagsusuri ng OWWA at DMW sa mga shelter at ospital para matunton kung may mga Pilipino.
Labingsiyam na Pilipino na ang kumpirmadong nasa ligtas na kalagayan.
“Nasunugan ng passport, nasunugan ng employment contract, ito ay agad-agad na sinosolusyunan,” ayon kay OWWA Administrator PY Caunan.
“Tayo po ay in close coordination na sa kanila, nagbigay na rin tayo ng food packs, tulong, dignity kits at kung ano pang kailangan nila,” dagdag ng opisyal.
Umapela ang DMW sa mga Pinoy sa Hong Kong na i-report sa mga kinauukulang Philippine offices kung may kilala silang kababayan na apektado ng naturang trahediya.
“Ang Philippine Consulate General in Hong Kong, Migrant Workers Office Hong Kong at OWWA Hong Kong ay nanawagan sa mga kababayan natin dito sa Hong Kong na ipagbigay alam kaagad sa aming tanggapan kung may alam silang kababayan natin na apektado sa sunog sa Tai Po,” ayon sa DMW.
Maaaring mag-report sa mga Philippine agency sa mga sumusunod na contact numbers at email address:
PCG Hong Kong : +852 9155 4023
MWO-Hong Kong : +852 5529 1880 and mwo_hongkong@dmw.gov.ph
OWWA-Hong Kong : +852 6345 9324 / +852 9180 4920
Sa pinakahuling ulat ng Reuters, sinabing umakyat na sa 65 ang nasawi sa sunog at nasa 300 ang nawawala sa nangyaring sunog sa pitong gusali sa apartment complex na may tig-32 palapag.
Kontrolado na umano ang sunog sa apat na gusali.
Ayon sa Hong Kong Fire Department, ito ang pinakamataas na bilang ng nasawi sa sunog sa loob ng pitong dekada.
Dalawang opisyal ng construction firm ang inaresto dahil sa umano’y paggamit ng unsafe materials tulad ng foam plastic sa renovation ng mga gusali. Kumalat din ang apoy sa bamboo scaffolding na karaniwang ginagamit sa Hong Kong.—FRJ GMA Integrated News
