Mahaba, madulas, at kumikislot-kislot, hindi bulate o ahas kundi isang uri ng igat ang “puyoy” na paboritong lantakan sa President Roxas sa Capiz. Ang naturang isda, patok kapag ginawang barbecue o tinapa.
Sa nakaraang episode ng “Biyahe ni Drew,” tinikman ni Drew ang puyoy, na tila ginawang tinapa dahil sa smokey aftertaste nito.
Si Drew, ipinatikim din sa kaniyang crew ang puyoy, na sang-ayon na lasa nitong tinapa at tila litson, at may mga kaunting lutong dahil sa tinik.
Para ihanda ang puyoy bago lutuin, binubuhusan ito ng abo para mawala ang dulas.
Sunod silang aalisan ng laman loob saka ibababad sa suka para mas sumarap. Pipigaan din ito ng kalamansi, bago sasamahan ng bawang, sibuyas at mga pampalasa.
Terno sa suka ang Puyoy, na katerno sa isaw ang pagkaka-presenta.—FRJ GMA Integrated News
