Isinabuhay ng isang baguhang overseas Filipino worker (OFW) ang pagkilala sa kanila bilang mga “makabagong bayani” matapos iligtas ang buhay ng kaniyang alagang sanggol mula sa malaking sunog sa Wang Fuk Court sa Tai Po District sa Hong Kong kahit pa malagay sa peligro ang sarili.

Sa pahayag ng Overseas Workers Welfare Administration nitong Linggo na naka-post sa kanilang Facebook page, sinabing isang tatlong buwang-gulang na sanggol ang iniligtas ng OFW na si Rhodora Alcaraz sa gitna ng apoy at makapal na usok sa naganap na sunog noong Nobyembre 26.

Ayon sa OWWA, baguhan pa lamang na domestic worker sa Hong Kong si Alcaraz.

Sa halip na umalis mula sa natutupok na apartment building upang iligtas ang sarili, niyakap umano ni Alcaraz ang sanggol upang protektahan ito at mailigtas ang buhay ng bata.

“Si Rhodora ay kasalukuyang nasa ospital sa critical condition ngunit stable at maayos ang tugon sa gamutan,” ayon sa pahayag ng OWWA.

Binisita umano ng opisyal at kinatawan ng OWWA Hong Kong, Philippine Consulate General, Department of Migrant Workers, at Migrant Workers Office, si Alcaraz sa ospital upang iparating ang buong suporta ng pamahalaan.

Sa Pilipinas, dinalaw ng OWWA Regional Office ang kaniyang pamilya upang alamin ang kanilang kalagayan at matulungan sila sa mga pangangailangan.

“Marami ang humanga sa kaniyang kabayanihan, isang tunay na modern-day hero at huwaran ng malasakit at tapang ng Pilipino sa ibang bayan,” saad sa pahayag ng OWWA.

Hiniling ng OWWA na ipagdasal ang mabilis na paggaling ni Alcaraz.

Sa hiwalay na pahayag, iniulat ng OWWA na isang OFW ang nasawi sa sunod na kinilalang si Maryan Pascual Esteban.

Mayroon pang 13 Pilipino ang “unaccounted” o inaalam ang kinaroroonan. Hindi pa sila isinasama sa listahan ng mga nawawala.

Umabot na sa 128 ang nasawi sa naturang sunog at 200 ang nawawala. –FRJ GMA Integrated News