Nagsampa ng reklamo sa Prosecutor’s Office sa Quezon City ang aktres na si Kim Chiu laban sa kaniyang kapatid na si Lakambini Chiu.
Sa Instagram nitong Martes, nag-post ang talent agency ni Kim na Star Magic ng larawan niya habang nasa Justice Cecilia Muñoz Palma Hall sa Department of Justice Building sa Quezon City, para isampa ang naturang reklamo.
Kasama ni Kim ang mga abogado mula sa LEAPLAW.
“Asia’s Multimedia Idol Kim Chiu together with her lawyers, LEAPLAW Lilagan Espinosa & Presto Legal and Technical Consultancy has formally filed a case against Lakambini Chiu at the Justice Cecilia Muñoz Palma Hall, DOJ Building, Quezon City, as of this morning,” saad sa caption.
Sa isang ulat ng PEP.ph, nakasaad na qualified theft ang isinampang reklamo ni Kim laban kay Lakam na may kaugnayan umano sa usapin ng pananalapi sa negosyo.
May "substantial amounts" umano ng pera na nawawala mula sa kaniyang "business assets," na hindi tinukoy kung ano.
Masakit umano para kay Kim ang nangyayari sa kanilang magkapatid pero kailangan daw niya itong gawin para protektahan ang kaniyang kumpanya at pati na ang mga kawani na umaasa sa negosyo niya.
Samantala, sinisikap pa ng GMA News Online na makuhanan ng pahayag ang kapatid ni Kim kaugnay dito. — Jade Veronique Yap/FRJ GMA Integrated News

