Kinumpirma ni Carla Abellana na engaged na siya sa kaniyang non-showbiz boyfriend na hindi pa pinapangalanan.

Ginawa ng aktres ang kumpirmasyon sa pamamagitan ng TV host na si Boy Abunda sa programa ng huli na "Fast Talk With Boy Abunda" ngayong Martes.

"Minessage naman si Carla kung talagang engaged na ba siya. Kinumpirma ni Carla. We asked permission if we can actually confirm this in the program if she is indeed engaged and she said sure. Napakagandang balita po," ayon kay Tito Boy.

Una rito, nag-post si Carla sa Instagram ng larawan na kita ang kaniyang kamay na may suot na singsing, at may kahawak-kamay.

"For I know the plans I have for you, declares the Lord, plans to prosper you and not to harm you, plans to give you a hope and a future," saad niya sa caption.

Dati na ring inihayag ni Carla na muli siyang lumalabas at mayroong “mystery” date.

Nitong nakaraang Oktubre, nilinaw ng aktres ang usap-usapan na ikakasal na siya.

"Kung totoo man po 'yun o hindi, of course, that's part of my private life, I would like to keep it private. I invoke my right to self-incrimination, so I refuse to say yes, I refuse to say no," ayon kay Carla.

Ikinasal noong 2021 si Carla kay Tom Rodriguez, pero hindi nagtagal ang kanilang pagsasama bilang mag-asawa at naghiwalay noong 2022. —Jade Veronique Yap/FRJ GMA Integrated News