Muling naging usap-usapan online ang vlog ni Kim Chiu na 2024 Feng Shui forecast sa kaniya sa gitna ng pormal niyang pagsasampa ng reklamo laban sa kaniyang kapatid na si Lakambini Chiu.

Sa kaniyang vlog na ipinost noong Pebrero 2024, binalaan ng Feng Shui expert na si Johnson Chua ang host ng "It's Showtime" na ipinanganak noong 1990, Year of the Horse, na maging maingat sa pagnanakaw at pagtataksil sa kaniyang buhay.

“Meron kasing robbery star ang horse,” sabi ni Chua tungkol kay Kim. “Ang problema kasi when you talk about robbery, hindi lang naman pera ang ninanakaw, puwedeng trust, ‘yung mga ganoong klase.”

Reaksyon ni Kim sa hula ni Johnson, “Anong tiwala ang mananakaw sa’kin?”

Nagpaalala rin si Johnson kay Kim na maging maingat sa mga traydor at manggagamit sa kaniyang buhay.

“Shocks, magkakaroon pala ako this year ng trust issues,” tugon ni Kim.

Sa kaniyang vlog, binisita ni Kim ang Binondo HQ ni Chua. Kasama rin niya noon si Lakambini.

Nitong Martes, sinabi ni Kim na ang pagsasampa ng kasong qualified theft laban sa kaniyang kapatid ay isa sa “most painful steps” na ginawa niya sa kaniyang buhay.

Ang kaso ay kaugnay ng “serious financial discrepancies” na natuklasan kaugnay sa negosyo ni Kim.

"Unfortunately, substantial amounts connected to my business assets were found missing,” sabi ng aktres sa isang pahayag.

“These discoveries forced me to take formal action to protect not just my company, but also the livelihoods of the people who work with me and the integrity of everything I have built," dagdag niya.

Humingi ng pang-unawa at respeto si Kim habang hinaharap ng kaniyang pamilya ang “difficult chapter” ng kaniyang buhay.

Nakipag-ugnayan na ang GMA News Online kay Lakambini para sa isang pahayag at ia-update ang balitang ito sa sandaling matanggap namin ito.

--Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News