Isang babae ang apat na araw nanatiling nakasakay sa refrigerator at nagpalutang-lutang sa baha sa loob ng kanilang bahay ang nasagip sa Ban Phru village sa Thailand. Pero ang kaniyang ina, hindi nakaligtas.

Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing nanghihina na ang 50-ayos na babae dahil sa ilang araw na siyang naghihintay ng saklolo at walang pagkain.

Ayon sa kaniya, hindi sila agad nakalabas ng bahay matapos tumaas ang baha at hindi rin sila nangahas na umalis ng bahay dahil sa taas din ng tubig sa labas.

Kasama umano ng babae ang kaniyang ina na 80-anyos nang maganap ang matinding pag-ulan.

Nanlumo ang mga awtoridad nang malaman nila na nahulog sa baha ang matandang ina matapos itong mawalan ng balanse at nalunod.

Inilagay ng babae ang katawan ng kaniyang ina sa isa pang nagpapalutang-lutang na ref para hindi matangay ng tubig ang labi nito.

“It’s painful that we arrived late. She drowned,” sabi ng rescuer na si 2LT Wallop Bunchan.

Maingat na isinakay sa rescue boat ang babaeng survivor, na gutom na gutom at dehydrated matapos apat na araw na hindi nakakain at nakainom.

Nabigyan na siya ng medical assistance, habang narekober na ng mga awtoridad ang labi ng kaniyang ina.

Isa ang Hat Yai sa mga napuruhan ng malawakang pagbaha sa Thailand matapos manalasa ang Tropical Storm Koto, na unang nanalasa sa Pilipinas bilang ang Bagyong Verbena.

Nakaranas ng pagbaha ang 12 probinsiya sa Thailand.

Pagsapit ng Disyembre 2, umabot na sa 181 ang napaulat na nasawi.

Maliban sa bagyo, mabibigat din ang monsoon rains sa Thailand, Indonesia at Sri Lanka.

Hanggang umaga ng Disyembre 3, umabot sa 1,347 katao ang nasawi sa tatlong bansa dulot ng baha at landslides.—FRJ GMA Integrated News