Napuno ng saya at emosyon ang episode ng “It’s Showtime” nitong Huwebes nang manalo ng P1 milyon ang isang naglaro na biktima ng kalamidad sa segment na “Laro Laro Pick.” Pero may magandang balita rin ang mga host ng noontime show sa iba pang kalahok na biktima ng kalamidad.
Ang mga biktima ng kalamidad mula sa Cebu at Negros Occidental ang naging mga kalahok sa naturang segment ng programa, na P1 milyon ang jackpot prize.
Madali namang napanalunan ng ginang na si Disyang ang P1 milyon dahil sa “1 plus 1= ?” lang ang naging tanong sa kaniya ni Vice Ganda, na sinagot niya ng “2.”
Labis ang pasasalamat ni Disyang dahil malaking tulong para sa kanila ang P1 milyon, lalo na sa pag-aaral ng kaniyang mga anak.
Pero hindi doon natapos ang kasiyahan dahil inanunsyo ni Vice na nag-usap-usap sila na mga host ng programa na mag-aambagan sila upang makalikom ng P1 milyon upang ipamahagi sa iba pang mga kalahok na biktima rin ng kalamidad.
“Hindi namin alam kung paano kayo matutulungan dahil ang dami n’yo, hindi rin naman kami ganoon kadami. Kinausap ko kanina ‘yung mga kasamahan ko rito sa dressing room. Nagkasundo kami mag-aambag-ambag kami at kayong lahat, maghahati-hati kayo sa P1 milyon,” ayon kay Vice. “Para uuwi kayong may bitbit ngayong Pasko.”
Pinasalamatan din ni Vice ang kaniyang mga co-host sa “It's Showtime” dahil sa pagsang-ayon ng lahat na matulungan at mapasaya nila ang mga naging biktima ng kalamidad na naglaro sa naturang segment.—FRJ GMA Integrated News
