Ngayong kabi-kabila na naman ang party, hindi rin mawawala ang pa-raffle. At kung may mga taong malas sa raffle, may tila isinilang naman na suwerte. Gaya ng isang babae sa Binangonan, Rizal, na nanalo ng kotse, motorsiklo, pera at kung anu-ano pa sa raffle na aabot na umano ang halaga sa mahigit P1 milyon. Ano kaya ang kaniyang sikreto? Alamin.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” ipinakilala si Eloiza Duarte, nagsimulang suwertihin sa raffle at maitala ang kaniyang first win na P500 noong high school siya.
Sunod nito, nanalo na siya ng iba’t ibang appliances gaya ng rice cooker, oven toaster, blender at kettle. Bukod sa mga gamit, madalas din umanong magwagi ng cash si Duarte na mula P5,000 hanggang P10,000.
Sa isa namang online promo ng isang brand ng pagkaing de lata, nabunot din si Eloiza at nagwagi ng P100,000. Noon namang 2013, pumaldo si Eloiza nang manalo siya ng brand new car sa isang pa-promo ng soft drinks.
Nanalo na rin si Eloiza ng bagong motorsiklo.
Kung susumahin lahat ng kaniyang napanalunan, lagpas na umano sa milyong piso ang nakubra ni Eloiza.
“Malaki po ang naiambag niya, sa totoo lang po. Hindi po ako makakapag-renovate ng bahay kung hindi po ako nanalo,” sabi niya.
Nito namang nakaraang taon, nagwagi si Eloiza ng meet and greet sa paborito niyang Korean actor na si Park Seo-Joon.
Ginagamit niya sa pagnenegosyo ang karamihan sa mga natatanggap niyang biyaya sa raffle.
Mula sa kaniyang mga napanalunan, mayroon na siyang computer accessory shop.
May ilang palatandaan umano si Eloiza kung mananalo siya.
“Kapag maraming langgam na itim, sign po ‘yun na it's either pera, basta may magandang mangyayari. Lalo na lalo na po 'yung paru-paro. Kapag may dumadapong paru-paro sa loob ng store, may blessing talaga na dumarating,” sabi niya.
Ngunit kung ang ina ni Eloiza na si Clarita Sale ang tatanungin, suwerte umano sa mga raffle ang kaniyang anak dahil sa supot na naglalaman ng placenta o inunan na iniabot sa kaniya ng nagpaanak sa kaniyang kumadrona.
“Nu’ng ipinanganak ko siya, may supot po. Binigay po sa akin ng aking midwife. Sabi niya ‘Nanay, ito ay pag-iingatan mo at ito ay suwerte,’” kuwento ni Nanay Clarita.
“Tinago ko po ‘yun. Binalot ko pa po. Inilagay ko po doon sa table ng aming…, parang cashier... taguan ng pera. Noong tinatabi ko po ‘yun, ang ganda po ng negosyo ko,” sabi pa ng lola.
Samantala, naipapasa rin daw ang suwerte ni Eloiza dahil binubuwenas din kung sino man ang kaniyang uudyokan na sumali sa raffle. Ang mister ni Eloiza na si Christopher, nanalo ng P100,000, habang ang tiyuhin niyang si Arturo Cenidoza naman, nanalo ng groceries worth P5,000.
Si Nanay Clarita, hinikayat ni Eloiza na sumali sa Guest To Win promo ng Family Feud, at nanalo rin ng P20,000.
Ngunit para kay Eloiza, higit siyang masuwerte sa kaniyang pamilya.
“Lalo lalo na po sa magulang, nanay ko. Siya po 'yung nagtaguyod sa amin. Naging ama, ina. Opo, siya po. Kaya thankful po ako sa nanay ko. At kay Lord po na siya po 'yung binigay niyang magulang sa akin. Doon pa lang po, suwerte na. At saka po sa asawa ko at sa anak ko. 'Yun po talaga ang mga suwerte ko po sa buhay,” saad niya.
Tunghayan sa KMJS ang paliwanag ng isang physician kung may suwerte nga bang dala ang placenta. Panoorin. – FRJ GMA Integrated News
