Nakauwi sa Pilipinas bago sumapit ang kapaskuhan ang 71 Pilipinong nasagip matapos maging biktima ng illegal recruitment at human trafficking, at ipinasok sa mga scam hub sa Myanmar.

Sa inilabas na pahayag ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), sinabing dumating sa bansa ang mga nasagip na Pinoy kaninang madaling araw ng Biyernes, Disyembre 12.

Ayon sa OWWA, kaagad na sinalubong at inasikaso ang mga Pinoy ng OWWA, kasama ang mga kinatawan mula sa Department of Migrant Workers, Department of Social Welfare and Development, NAIA Task Force Against Trafficking, at NAIA Medical Team.

“Bilang bahagi ng standard assistance ng OWWA, agad silang nabigyan ng immigration support, food packs, transport assistance, at pansamantalang accommodation habang inaayos ang kanilang ligtas na pag-uwi sa kani-kanilang mga probinsya,” saad sa pahayag.

“Sa kabila ng hirap na pinagdaanan, makakauwi na sila ngayong kapaskuhan na ligtas, kasama ang pag-asang hindi sila kailanman pababayaan ng pamahalaan,” dagdag ng OWWA.

Nitong nakaraang Nobyembre, iniulat na umabot sa mahigit 300 Pilipino ang nasagip at napauwi sa bansa mula sa Myanmar, matapos ding maging biktima ng illegal recruitment at human trafficking, at ipinasok sa mga scam hub din sa Myanmar.

Paalala ng mga opisyal sa mga Pinoy na inaalok na magtrabaho sa ibang bansa, magduda kapag ni-recruit at idinaan sa backdoor at isinakay ng kung ano mang sasakyan sa hindi tamang ruta sa ipinangakong bansang pupuntahan.—FRJ GMA Integrated News