Isang overseas Filipino worker (OFW) ang nawalan ng trabaho sa abroad ang napilitang bumalik sa bansa. Para makapagsimula muli, lumapit siya sa Department of Migrant Workers (DMW) para sana makakuha ng tulong pinansiyal sa ilalim ng AKSYON Fund o Agarang Kalinga at Saklolo para sa mga OFWs na Nangangailangan. Pero ang inaasahang tulong, matagal umanong dumating.

Kaya naman lumapit ang OFW na si Rolan Espaldon sa Kapuso Action Man na si Emil Sumangil, na umaasang matutulungan siya sa kaniyang problema.

Napag-alaman na apat na taon nang waiter at barista sa Saudi Arabia si Espaldon, hanggang sa nagkaproblema ang huling niyang kontrata niya kaya siya umuwi ng bansa.

 “Hindi po nasunod ‘yung nasa kontrata. Nag-decide kaming bumalik sa Pinas dahil ‘yun nga po para kaming hindi po maayos ‘yung trabaho namin doon,” sabi ni Espaldon.

Dahil dito, humingi siya ng tulong sa DMW sa ilalim ng AKSYON Fund kung saan dapat siyang makatatanggap ng hindi bababa sa P30,000 na pinansiyal na ayuda.

Gayunman, tumagal ang pag-release ng benepisyo mula nang maipasa niya ang aplikasyon noong Setyembre 2.

“Kaya po nag-apply ako niyan para ilalaan ko for livelihood po. Kaunting negosyo dito. Bakit ganoon ‘yung sistema na it takes long months po bago makuha? Kung makuha mo man, parang pahirapan,” anang OFW.

Nakipag-ugnayan ang Kapuso Action Man sa DMW- Region VII, upang alamin ang estado ng aplikasyon ni Espaldon sa naturang programa.

“Isa lang siya sa medyo marami na din ng mga applications na natanggap ng regional office. And of course, even if we've been coordinating with the central office for the downloading of funds, of course, we have to deal until the funds will be downloaded,” sabi ni Luchel Taniza, supervising labor and enforcement officer ng DMW Region VII.

“Ang nangyayari, hindi lang po Region VII 'yung nag-e-enter din ng funds. All of us, all of the regional offices, pati na po 'yung mga migrant worker offices sa iba't ibang mga bansa,” dagdag ni Taniza.

Ayon pa sa opisyal, hindi bababa sa P27.9 milyon ang naibigay na financial assistance ng DMW Region VII sa mahigit 400 OFWs nitong taon.

“Kung may available funds, then we facilitated naman po immediately the release of those funds. It's just that for additional funding requests, of course, we have to wait. Ang advice po namin sa mga applicants po namin is when they want to make a follow-up on the status of their applications, they can call us. Kasi may hotline naman po tayo,” ani Taniza.

At bago matapos ang buwan ng Nobyembre, napag-alaman na natanggap na ni Espaldon ang P50,000 financial assistance mula sa DMW Region VII. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News