Pumanaw ang isang 74-anyos na lalaki ilang oras matapos na atakihin umano ng needlefish, o “balo,” habang lumalangoy sa isang beach sa Naawan, Misamis Oriental.
Sa ulat ng GMA Regional TV Nitong Biyernes, sinabi ng pulisya na nagtungo ang pamilya ng biktima sa isang resort sa Naawan noong December 13.
Kinalaunan, nakatanggap ng impormasyon ang pulisya mula sa resort kaugnay sa nangyaring insidente kaya rumesponde ang kanilang mga tauhan.
Batay sa imbestigasyon, nagtamo ng sugat sa kamay ang biktima at dinala sa isang ospital sa Iligan City para gamutin. Gayunman, nakaranas ng cardiac arrest ang biktima kinagabihan at pumanaw.
Ayon kay Police Regional Office-Northern Mindanao (PRO-10) Spokesperson, Police Major Joan Navarro, inihayag ng pamilya ng biktima sa report na cardiac arrest ang ikinasawi ng lalaki.
Sa isang pahayag, sinabi ng pamunuan ng resort na biglaan at hindi nila inaasahan ang nangyari.
“It is important to emphasize that this was an act of God involving a wild marine animal in its natural habitat – an event that no one could have anticipated or wished to happen,” saad sa pahayag.
Idinagdag ng resort na kaagad na rumesponde ang kanilang lifeguards na naka-duty nang mangyari ang insidente.
Nagbigay din umano ng first aid sa biktima bago dinala sa ospital.
Iginiit ng pamunuan ng resort na nananatiling pinakamataas na prayoridad ng resort ang kaligtasan, dignidad, at kapakanan ng kanilang mga bisita.
“Our staff acted swiftly, responsibly, and with genuine compassion throughout the incident. While the open sea is a natural environment beyond the resort’s direct control, our team remained proactive and fully engaged in providing assistance and coordination at every step,” saad nito, kasabay ng katiyakan na nakikipag-ugnayan sila sa isinasagawang imbestigasyon ng pulisya.
Kaugnay nito, nagsagawa naman ng pag-inspeksyon ang mga tauhan ng Naawan Tourism Office sa resort noong Miyerkoles, December 17.
“The Naawan Tourism Office is dedicated to helping ensure the safety and well-being of both residents and tourists, and we are committed to working closely with tourism stakeholders to address concerns, promote transparency, and uphold responsible tourism practices in Naawan,” ayon sa Naawan Tourism Office. – FRJ GMA Integrated News

