Dahil sa kanilang anyo na tila bato, hindi agad napapansin kapag dumidikit sa bato o corals ang Stonefish, na itinuturing na pinakamandag na isda sa buong mundo. Ngunit sa Palawan, paborito umano itong gawing food trip ng mga residente?
Sa nakaraang episode ng “I Juander,” ipinakilala si Angelo Devero, na nanghuhuli ng Stonefish.
“‘Yung bantol mahirap talaga hanapin. Mukha siyang bato. Maraming klaseng paghuli ng bantol. Puwede mo siyang panain, puwede mo rin siyang kamayin. Para safe puwede mo rin siyang sigpawin, ‘yung parang net na may bilog,” sabi ni Angelo.
Gayunman, dapat na iwasan ang bantol dahil isang tapak lamang dito, siguradong mapapa-aray ang tao dahil sa mabagsik na kamandag nito.
“Nakalalason ito kung matutusok ka, 'yung kaniyang mga tinik. Kasi 'yung kaniyang toxin ay neurotoxin. Haharangin niya 'yung pag-transmit ng mga signal. So, mangyayari niyan, mapaparalisa 'yung muscles natin. ‘Yun ang kinamamatay ng mga natutusok ng tinik ng stonefish,” paliwanag ni Benjamin M. Vallejo Jr., Ph.D, marine biologist.
Isa sa nakatikim ng bagsik ng stonefish, ang kababata ni Angelo na si Daniel.
“Hindi ko napansin, akala ko bato. Ngayon natapakan ko siya, dumadaloy 'yung sakit niya paakyat sa papuntang katawan mo. Halos paralyzed na 'yung binti ko. Mula paa na pinagtusukan hanggang binti. Papuntang hita, sobrang sakit,” sabi ni Daniel.
Matapos mapuruhan ng kamandag ng stonefish, pinilit makauwi ni Daniel agad para makainom ng gamot at nawala ang kirot.
“Ang first aid treatment dyan ay ilulubog 'yung kung anong bahagi ng katawan ang natusok ng stonefish. Usually, paa o kamay, ilulubog sa tubig na 60 degrees Celsius. Mainit. Kasi nga, 'yung neurotoxin ay nasisira ng mainit,” paliwanag ni Vallejo.
Sa kabila ng bagsik ng stonefish, wala pa ring takot ang mga kagaya ni Angelo sa Palawan para gawin itong ulam.
Tunghayan sa I Juander kung paano hinuhuli ni Angelo ang stonefish, at kung paano ito inaalisan ng kamandag para safe kainin at masarap na gawing ginataan. Panoorin.—FRJ GMA Integrated News
