Bumisita lang sa lugar ng nobyo para makipagdiwang ng Pasko ang babaeng nasawi matapos tamaan ng ligaw na bala sa Tondo, Maynila noong Huwebes. Ayon sa pulisya, nagkaroon ng barilin sa lugar at iniimbestigahan pa ang insidente.
Sa ulat ni Raffy Tima sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, makikita sa video footage sa Barangay 120 na biglang nagkagulo ang mga tao na nagsalu-salo sa labas ng mga bahay.
Nakita sa video na kabilang sa napatakbo ang biktima na nagtamo ng tama ng bala sa balikat, at tumagos umano sa kaniyang baga.
Ayon sa kasamahan ng biktima, inakala nila noong una na nadaplisan lang ng bala ang babae.
Isinugod siya sa ospital pero binawian din ng buhay.
Tumanggi na muna ang Manila Police na magbigay ng pahayag habang patuloy nilang iniimbestigahan ang insidente.
Inihayag ng isang residente, na mistulang shootout ang nangyari sa kanilang lugar.
“Narinig na lang po namin yung putok na sunod-sunod. Akala namin nung una paputok lang na malakas lang po. Pero nung sunod-sunod na po, doon na kami nataranta,” ayon sa residente.
May nakitang tama ng bala sa isang pader, at may tama rin ng bala sa isang tricycle.
Sinabi ni Police Major Hazel Asilo, tagapagsalita ng National Capitol Region Police Office, na may dalawang tao na nagbarilan sa lugar at tinamaan ng ligaw na bala ang biktima.
“Mayroon naman po tayong pagkakakilanlan pero sa ngayon patuloy pa rin po ang ating ginagawang imbestigasyon para matukoy kung sino ang mga salarin,” ayon kay Asilo. – FRJ GMA Integrated News
