Isang lalaki sa Barangay Daliao, Davao City ang inaresto matapos magsindi ng fountain-type firework sa pagsalubong sa Bagong Taon. Ang lungsod, may umiiral na ordinansa tungkol sa firecracker ban.
Sa ulat ni Jandi Esteban sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Huwebes, sinabing naaktuhan ng mga pulis ang inarestong 50-anyos na lalaki na nagsindi ng fountain-type firework sa tapat ng kaniyang bahay.
“After umiikot he was caught in the act na nagsisindi ng fireworks sa harap ng kanilang bahay,” sabi ni Toril Police Station Chief, Atty. Sheryl Bautista.
May iba pang paputok na nakumpiska sa lalaki gaya ng isang kuwitis at tatlong baby rockets.
Handa naman ang lalaki na harapin ang nagawa niyang kasalanan, at sa loob ng piitan niya sinalubong ang unang raw ng 2026.
Nagsimula ang ban sa paputok sa Davao City noong 2002.
“Yung city ordinance, meron siyang imprisonment at penalty and fine, so i-file natin ang kaso kung mag-resume na ang city prosecutor’s office by Saturday,” ayon kay Bautista.
Sa ordinansa, may multang P1,000 at pagkakakulong ng 20 hanggang 30 araw na pagkakakulong sa unang paglabag. Kapag muling nahuli, aabot na ang multa sa P3,000 at tatlong buwan ang kulong. Sa ikatlong paglabag, P5,000 na ang multa, at aabot sa tatlo hanggang anim na buwan ang pagkakakulong.
May isa umanong insidente ng fireworks display na ginawa sa lungsod ang iniimbestigahan ng pulisya.—FRJ GMA Integrated News