Ibinahagi ni Mikoy Morales ang nakatutuwang pagkakamali ng kaibigan at kapuwa aktor na si John Feir, na dumalo sa inakalang kasal ng una nitong Enero 3 pero sa Marso pa pala. Kaya naman laking gulat daw ng huli nang makitang hindi niya kakilala ang ikinakasal at wala siyang kakilala sa mga bisita.

Sa Facebook post ni Mikoy, lumitaw na nagkamali ng basa si John na co-star niya sa "Pepito Manaloto," sa ipinadala niyang imbitasyon para sa kasal nila ng non-showbiz partner na si Isa Garcia.

"Kwento: Sa March pa ang kasal at ang nakalagay sa invitation ay 'Please RSVP on or before Jan 3'," ani Mikoy. "Eh 'Jan 3' lang 'yung nabasa."

"'Pag dating niya lahat naka-suit, siya lang ang naka-barong. Pinagitna pa siya at ginandahan daw ng anggulo 'yung pagkuha sa kanya ng photo/video," pagbahagi pa ni Mikoy sa nangyari kay John.

Ayon pa kay Mikoy, tila naranasan ni John ang karakter nito sa kanilang sitcom na si "Patrick," na paborito ang hotdog.

"Kaya advance thank you sa 'pag punta, Kuya John! I-kain mo na lang 'yan ng hotdog!" sabi ni Mikoy.

Tumawag pa umano si John kay Chariz Solomon, na gumaganap na asawa niya sa sitcom at doon niya nakumpirma na nagkamali siya ng kasalan na dinaluhan.

Sa hiwalay na post, ibinahagi naman ng Ikigai Studio ang larawan ni John nan aka- barong sa loob ng simbahan. —FRJ GMA Integrated News