Nag-viral ang isang footage kung saan 12 armadong pulis ang nagtulong-tulong para magapi ang isang babaeng nagwawala at may hawak na gunting at kutsilyo sa isang kainan sa Sheng Shui, Hong Kong.

Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, mapanonood ang footage mula sa Hong Kong Police Force ang isang babae na nasa loob ng isang restaurant at may hawak na gunting at kutsilyo.

Sa kaniya namang paligid, nagkalat ang chopsticks at mga natapong pagkain at inumin.

Samantala, nasa pinto naman ang mga pulis na may mga dala-dalang panangga.

Pagkabukas ng pulisya sa sliding door, dito na sila sinugod ng babae. Sinamantala na ng iba pang pulis na makakuha ng tiyempo para masukol ang suspek.

Pinagtulungan nilang makuha ang kutsilyo at gunting na hawak ng babae, habang nire-restrain nila ang suspek.

Kuwento ng may-ari ng kainan, umorder ng noodles at isang basong tubig ang babae. Maayos pa ang kaniyang kilos noong una, hanggang sa magbabayad na siya ng bill sa pamamagitan ng isang mobile app.

“When her phone died, I offered to let her charge the service in the shop, but she became agitated and rushed into our kitchen to grab the butcher’s knife and scissors. I immediately hid away and called the police, who arrived quickly,” sabi ng may-ari ng kainan.

Hindi nakipagtulungan ang babae sa mga awtoridad kaya sinugod na lang nila ito sa kainan.

Lumabas sa imbestigasyon na turista mula sa mainland China ang suspek.

Nagtamo ang babae ng minor injuries sa kamay, at dinala sa pagamutan bago siya idenetine dahil sa possession of an offensive weapon, criminal damage, and assaulting a police officer.

Wala namang nasaktan sa hanay ng pulisya.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News