Sikat ang isang litsonero hindi lang dahil sa kaniyang yummy at crispy na lechon, kundi dahil na rin sa kaniyang pagiging matulungin sa Cavite City. Pero bago ang tagumpay, dumaan muna siya sa pagsubok nang malulong noon sa sugal. Alamin kung paano siya bumangon sa buhay.

Sa nakaraang episode ng “Good News” ipinakilala ang litsonerong si Rafael Maclang, na isang pulis na ginawang sideline ang negosyong lechon.

Pero sa halip na sa uling lutuin ang kaniyang lechon, sa malaking oven niya ito niluluto.

Kuwento ni Rafael, lumaki siya sa mahirap na pamilya at nagtitinda ng prutas sa palengke noon ang kaniyang mga magulang. Madalas na hindi sapat ang kanilang kita para sa gastusin ng pamilya.

Dahil sa naranasang kahirapan, nagsumikap si Rafael para maiahon ang pamilya. Nabigyan siya ng pagkakataong makapag-aral sa kolehiyo sa kursong Criminology, sa tulong ng kaniyang tiyahin na nasa ibang bansa.

Gayunman, nagkapamilya si Rafale habang nag-aaral, kaya inabot ng walong taon bago niya natapos ang kolehiyo, at naging pulis.

Siyam na taon na siya ngayon na nagseserbisyo sa kanilang lugar. At kung walang duty bilang pulis, litsonero naman si Rafael.

Nagsimula lang siya sa made-to-order noong 2019, hanggang unti-unting nakilala ng mga tao ang kaniyang negosyo.

Ngunit bago dumating ang kaniyang big break, dumating ang pandemya kaya nagsara ang kaniyang lechonan. Kasunod nito, unti-unting nalulong si Rafael sa sugal.

“Na-divert 'yung attention ko from business to gambling. Doon na nagka-problema, doon na nagsimula lahat,” sabi ni Rafael.

Matapos malubog sa utang, dito natauhan si Rafael sa masamang epekto ng kaniyang bisyong sugal.

Para makabangon, muling binuksan ni Rafael ang kaniyang negosyong lechon noong 2023 na walang puhunan.

“Sa lechon, nagsimula ako walang puhunan. May isang tao na nag-order sa akin. Ang ginamit kong puhunan, 'yung down payment niya. Tapos from there, nagtuloy-tuloy na,” ani Rafael.

Kalaunan, umingay ang kaniyang negosyo, at mas nakilala pa sa social media.

Bukod sa masarap niyang lechon, mas nakilala si Rafael sa kanilang lugar bilang Good Samaritan na tumutulong sa mga nangangailangan.

Tunghayan sa Good News ang pagtulong ng litsonerong si Rafael kay Nanay Maya, caretaker sa isang sementeryo na humiling na magkaroon ng puhunan para makapagbenta ng balot at penoy. Panoorin. – FRJ GMA Integrated News