Kinakikiligan noon ang love team nina Kris Bernal at Aljur Abrenica. Ngunit bakit kaya sila hindi nagkatuluyan? Alamin ang paliwanag ng aktres.

Sa episode ng “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes, tinanong ni Tito Boy si Kris, na bibida sa upcoming series na “House of Lies,” tungkol sa kasinungalingang ginawa niya sa showbiz.

“Wala naman. Pero siguro ‘yung mga dating sweet-sweetan namin ni Aljur,” natatawang sagot ni Kris.

“‘Yung kailangan, kunwari, okay kami, ganiyan. ‘Yung kakanta kami sa mall show, sweet-sweetan kami kunwari. Tapos, kunwari, pag tatanungin ‘Kayo ba?’ Hindi kami sasagot pero hindi naman talaga kami. Tapos kunwari magtitinginan,” natatawa pang kuwento ni Kris.

Pag-amin pa niya, magkaaway sila ni Aljur pagdating nila sa backstage.

“Bakit hindi kayo nagkatuluyan? Bakit hindi kayo nagligawan?” tanong pa ni Tito Boy.

“Parang hindi kami magkasundo talaga. Hindi kami mag-jive ng ugali,” tugon ni Kris.

Gayunman, inamin ni Kris na sinubukan din siyang ligawan ni Aljur.

“Hindi nag-attempt lumigaw?” tanong ng King of Talk.

“Medyo,” tugon ni Kris. “Kasi siguro lagi kami magkasama, gano’n. Meron naman. Pero siguro na-realize namin na, hindi, kahit i-try natin, hindi talaga tayo nagkakasundo. Tinry naman, baka lang.”

Dalawa o tatlong buwan din daw na sinubukang manligaw ni Aljur kay Kris.

“Mabilis lang, parang mga... Kasi lagi kami magkasama, everyday talaga. Siguro mga two months, three months. Hindi talaga kami magkaugali,” patuloy niya.

Ikinuwento pa ni Kris kay Tito Boy na ayaw ni Aljur ng nagre-reply sa mga text message at mas gusto ng mga tawag sa telepono, na ayaw naman ni Kris.

"'Pag tumatawag, humahaba 'yung usapan, ang tagal matapos, eh ang daldal ni Aljur 'di ba? Kaya ayoko siya tawagan kasi feel ko kapag kinausap ko siya, 'ay ang tagal matapos nito," sabi niya.

“Yun pala gusto niya tawag. Nagkaintindihan na kami. Ngayon, niyayaya ko ulit siya mag-vlog. Tatawagan ko pa rin siya,” ayon kay Kris. – FRJ GMA Integrated News