Hindi raw kompleto ang pagbisita sa Davao kung hindi makakahigop ng mainit na sabaw ng “Bulca Chong,” na karne ng kalabaw ang pangunahing sangkap. Bakit nga ba ito tinawag na “Bulca Chong,” at ano ang sikreto ng karinderya na nagbebenta nito? Alamin.

“‘Bulca Chong’ ang tawag namin dito kasi ‘Bulca Chong’ – ‘Bulalong Kalabaw ni Chong,” sabi ni Nara Baltolore, owner ng Bulca Chong Bulalo sa panayam ng programang Pera Paraan.

“Si Chong doon sa ‘Bulca Chong’ ay si Rolando Baltolore. Gustong gusto ito ng mga tao kasi masarap. Ang husband ko, si Rolando Baltolore ang nagtimpla,” dagdag ni Nanay Nara.

Bago nito, nagtitinda lamang ng sigarilyo sa bangketa si Nanay Nara.

Noong dekada 90, sinimulan nila ang pagtitinda ng lutong ulam kasama ang Bulca Chong gamit ang P500 na puhunan.

Ang Bulca Chong ay luto sa kalabaw, walang ibang halo, at maihahalintulad sa nilaga.

Magkasamang binuo nina Nanay Nara at ng asawang si Chong ang kanilang negosyo hanggang sa maging institusyon na ito sa Davao City. Ang mainit na sabaw na ito ang nag-ahon sa kanila sa hirap, at ito na rin ang ipinangalan nila sa kanilang kainan.

Hanggang ngayon, Bulca Chong pa rin ang kanilang pinakamabenta o bestseller. Nakauubos sila ng hanggang 100 kilo ng kalabaw kada araw sa lakas ng benta ng kanilang Bulca Chong.

Dahil mahirap daw humanap ng karne ng kalabaw, kaya si Nanay Nara may dalawang pinagkukunan. Sanay na siyang kumilatis ng sariwang karne ng kalabaw sa tagal na niyang nagtitinda ng Bulca Chong.

Hindi rin matatawag na Bulca Chong kung walang buto-buto. Tatlong oras na pinakukuluan ang mga karne ng kalabaw at hinahaluan ng sikretong pampalasa para maging Bulca Chong.

Kabilang sa kaniyang mga suki ang dating pangulong si Rodrigo Duterte.

Bukas ang kainan ni Nanay Nara hanggang madaling araw, at peak hours pa pagdating ng hatinggabi.

“Maraming lasing ‘pag madaling araw. Magsidatingan ang mga lasing dito. Ang sabaw, pang-hangover. Masaya ka kasi maraming benta,” sabi ni Nanay Nara.

Tutok pa rin si Nanay Nara sa negosyo sa kabila ng kaniyang edad, at may katuwang naman siyang kamag-anak sa pagpapatakbo nito.

Sa pagsisikap nilang mag-asawa, nakapagbukas na sila ng isa pang branch sa Davao at sa Bohol.

“Kung may kapital, kahit kaunting kapital, okay na. I-rolling-rolling mo lang, rolling lang. Hindi ka maggastos. I-control mo ang sarili. Mayroon kang dapat bilhin, na tama-tama lang ang income mo. Control ka lang. Tapos mag-save,” payo ni Nanay Nara sa mga may balak ding magnegosyo. – FRJ GMA Integrated News