Sa kaniyang guesting sa “Your Honor,” inihayag ng manghuhulang si Rudy Baldwin ang kaniyang prediksyon para sa mga host ng programa na sina Buboy Villar at Chariz Solomon. Si Buboy, binalaan ni Rudy patungkol sa kaniyang pangitaan na may kinalaman sa nalulunod na bata.
“Itong 2026 kasi, mabagsik. Ang sabi ko noon bloody year, right? So mga tao ngayon halang ang kaluluwa, mga walang hiya,” prediksyon ni Rudy tungkol sa taong 2026.
Batid ni Rudy ang malasakit sa kapwa ni Buboy, kaya may nakita siyang eksena na tutulong ang aktor kung kinakailangan.
“So there is kasi scenario na hindi mo planado, hindi scripted 'yung pagtulong mo. It just happened na malala 'yung bagyo at bumaha nang matindi.”
“So may nakita ka around siguro mga 8 years old 'yung bata. Gusto mo siyang i-save. Ikaw naman, nakita mo nga may rescue team na, ‘di ba? So bakit ka pa tumalon? Kaya tuloy ikaw ang inanod,” pagpapatuloy ni Rudy tungkol kay Buboy.
Kaya naman si Buboy, napatanong na tila namamangha kung kailan ito mangyayari. Tugon ni Rudy, mangyayari ito ngayong ding 2026.
“Kaya 'pag bagyo, tumahimik ka na lang sa loob ng bahay,” paalala ni Rudy.
“Takot akong malunod,” sagot ni Buboy, na tila tutol sa kapalaran niya.
“Takot kang malunod pero tumalon ka?” sabi ni Rudy. “Ang ugali kasi ni Buboy, siya 'yung taong panic na on the spot. Parang ako din.”
“'Yung tipong, ‘Uy, gano'n (kilos) na, gano'n na.’ Tapos at the end of the day, parang gumaganiyan ako. ‘Ay sana pala, ano pala tayo.’ ‘Sana dapat gano’n ang ginawa,’” sabi pa ng manghuhula.
Nagbabala naman si Rudy kay Chariz na mag-ingat ang kaniyang pamilya.
“It will not happen to you. But it will happen to a member of your family na makuryente sa loob ng bahay. So, check the electricity. May iwasan natin 'yung fire din.”
Ayon kay Rudy lumalabas ang mga salita na “later na 2027” tungkol sa sunog. “Pero 'yung makukuryente by this year. 'Yung fire by next year. I'm not asking, I'm telling.”
Samantala, may positibong hula naman si Rudy tungkol sa kapalaran ng “Your Honor.”
“So, itong show niyo, hindi sa pag-ano, kasi ginuesting niyo lang ako. Hindi sa gano'n yun,” paglilinaw niya.
Ayon kay Rudy, magkakaroon ng pinapangarap nilang award ang “Your Honor.”
“Itong show niyo, 'yung pinaka-ambition niyong makuhang award, makukuha niyo ‘yun. Basta, you really have to understand na ang twist ni God…”
“Golden Globes, are you listening?” biro ni Buboy. “Mangangarap ka na lang din, lilimitahan mo pa? Golden Globes, please listen.”
Tatagal pa raw ang programa, ayon sa manghuhula.
“Tatagal 'yung show niyo. kasi very natural kayo. Very, napaka-comfortable ko nakaupo dito. Parang gusto ko na sa isang araw na tayo umuwi. Hindi ba tayo matutulog, kakain?”
“‘Yung award na gusto talaga ninyo, makukuha ninyo, in a very unexpected way,” sabi pa ni Rudy.—FRJ GMA Integrated News
