Namangha at nabighani ang isang lalaki matapos siyang makakita ng isang ibon na makulay at matingkad ang mga balahibo, at mahaba ang buntot sa Semirara Island, Antique. Ito na nga kaya ang mala-alamat na Ibong Adarna na nakikita lamang sa mga libro at pelikula?

“Napakaganda ng kulay. Ang una kong napansin dito, 'yung kulay niya parang watawat ng ating bansa. Tsaka napakahaba ng kaniyang buntot na medyo brown,” kuwento ng video uploader na si Marcelino Grangos tungkol sa ibong kaniyang nakita sa nakaraang episode ng “Dami Mong Alam, Kuya Kim.”

“Habang sinusundan ko, mayroon siyang tinawiran na sapa. Nakakatuwa kasi tumatalon pala siya,” dagdag niya.

Batay sa mga kuwento sa mga libro at pelikula, may kakayahang magpagaling ang tinig ng Ibong Adarna. Ngunit dapat umiwas sa ipot o dumi nito dahil magiging bato ang isang tao kapag nabagsakan.

Ngunit ayon sa mga eksperto, hindi Ibong Adarna ang nakita ni Marcelino, kundi isang ibon na kalahi ng manok na tinatawag na Golden Pheasant.

“'Yung Golden Pheasant, or 'yung Chrysolophus Pictus, ay isang ibon na natural na matatagpuan talaga sa China. Pero ngayon, marami nang mga introduced na populasyon niya sa iba't ibang mga bansa, kasama na rin 'yung Pilipinas,” sabi ni Jay Fidelino, wildlife biologist sa U.P. Diliman.

“Yung Golden Pheasant, nakuha niya 'yung pangalan niya doon sa hitsura ng mga lalaking ibon na merong blue, merong red, merong gold na mga feathers, ‘yun ay 'yung lalaking Golden Pheasant. So 'yung babaeng Golden Pheasant, usually, kulay brown lang sila,” dagdag ni Fidelino.

Ayon naman kay Kuya Kim, isa ang Golden Pheasant sa mga ibon na mas tahimik at hindi kilala sa malalakas o melodious na huni.

Kaya kung may isang ibon na mas maihahalintulad sa Ibong Adarna sa hitsura at pinanggalingan, ito ang Philippine Trogon.

“Yung Philippine Trogon, or 'yung Harpactes ardens, ay isang ibon na matatagpuan lang sa Pilipinas, o endemic lang nito sa atin,” sabi ni Fidelino.

Pangunahing mga insekto ang kinakain ng Philippine Trogon. Gaya ng Golden Pheasant, listed ang ibong ito bilang “Least Concern” sa IUCN o International Union for Conservation of Nature Red List.

Sa kabila ng tila maalamat na ganda ng mga ibon na ito, hindi naman masasabing ito ang mga Ibong Adarna, dahil ang ibong ito ay kathang isip lamang umano. – FRJ GMA Integrated News