Dalawang tinik na ang nalampasan ni Alexandra "Alex" Eala sa kaniyang kampanya sa Dubai Tennis Championships. Sa Round of 16, si Sorana Cirstea naman ng Romania ang susubok sa kakayahan ng Pinay tennis star.
Nitong Miyerkules ng madaling araw, malaking tagumpay ang naitala ni Eala nang talunin niya ang world No. 8 na si Jasmine Paolini sa Round of 32.
Si Paolina ang ikatlong WTA Top 10 players na tinalo ni Eala—kasama sina Iga Swiatek at Madison Keys.
Ang sunod na pagsubok sa 20-anyos at World No.47 na si Eala ay ang 32-anyos na si Cirstea, na kasalukuyang World No. 32, at may career-high na No. 21.
Mayroon siyang apat na WTA singles titles, at ang pinakahuli ay napanalunan niya sa WTA 250 na Transylvania Open, dalawang linggo na ang nakalilipas sa kaniyang bansa.
Halos perpekto ang naging kampanya ni Cirstea sa Cluj-Napoca. Sinimulan niya ito sa 6-4, 6-4 panalo laban kay Kamilla Rakhimova sa Round of 32, bago tambakan si Tamara Zidansek ng 6-1, 6-0 sa sumunod na round.
Sinundan pa niya ito ng 7-5, 6-4 panalo laban kay Anastasia Potapova sa quarterfinals at inilampaso sa 6-0, 6-3 si Daria Snigur sa semifinals.
Itinala nila ang finals showdown laban sa top seed na si Emma Raducanu, na tinalo ni Cirstea sa iskor na 6-0, 6-2 upang masungkit ang titulo.
Inaasahang dadalhin ni Cirstea ang momentum na ito sa kaniyang pagharap laban sa Pinay netter.
Gayunpaman, hindi ito ang unang pagkakataon na maghaharap ang dalawa.
Noong 2024, nagharap ang dalawa sa Round of 64 ng Madrid Open, kung saan nakalusot si Cirstea sa 6-3, 7-6, 6-4 na panalo.
Kaya naman magsisilbing pagbawi para kay Eala ang talunin si Cirstea, at kung makalusot ay uusad siya quarterfinals kung saan maaari niyang makaharap ang world No. 4 na si Coco Gauff o ang No. 22 na si Elise Mertens. — Bea Micaller/FRJ GMA Integrated News

