Hindi itinanggi ni Tekla na naging masalimuot ang pinagdaanan niya sa pag-ibig pagdating sa dati niyang live-in partner na si Michelle Lhor Bana-ag, pero maayos na ngayon ang kanilang ugnayan.
Sa guesting nila ni Boobay sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Huwebes, natanong si Tekla tungkol sa pinakamasakit na kaniyang pinagdaanan sa pag-ibig.
“Pinakamasakit ‘yung, siyempre alam naman ng tao ‘yon, na parang pinagkanulo ka. Pero naka-move on na ako. Nakaraan na ‘yon. Pero, still, the trauma is here,” sabi ni Tekla.
Nagsalita rin si Tekla tungkol sa relasyon nila ngayon ni Michelle, lalo’t may mga anak sila.
“Kasi may kids kami eh, so andon pa rin ‘yung ano… pero hindi kami nagsasama. Sumeparate (separate) na sila para makapagtrabaho ako nang maayos,” sabi ni Tekla.
“Yes, we’re OK,” dagdag pa niya.
Nagbahagi naman si Boobay ng kaniyang payo para kay Tekla, na hinikayat itong magpakatatag at tumayo pa rin bilang tatay.
“Ituloy mo lang ‘yan. Kasi nakita ko kung gaano siya kagaling na tatay. As much as possible, every taping namin, kinakausap niya ‘yung anak niya,” kuwento ni Boobay.
Matatandaang inakusahan ni Michelle si Tekla ng pang-aabuso, bagay na itinanggi ng komedyante.
Hosts sina Boobay at Tekla ng “The Boobay and Tekla Show,” at ilulunsad nila ang “TBATS on the Go” sa Marso 1. – FRJ GMA Integrated News
