Isang rider ang nagtamo ng mga sugat matapos siyang sumemplang nang may masagasaang aso sa Mangaldan, Pangasinan. Ayon sa may-ari ng aso, pinakakawalan niya ang mga alaga tuwing gabi para pangontra sa mga magnanakaw.
Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Biyernes, mapanonood sa CCTV camera ang pagtawid ng dalawang aso bago dumating ang isang motorsiklo sa San Jose Street sa Barangay Guiguilonen.
Ilang saglit pa, bigla na lamang bumalik sa kalsada ang isa sa mga aso kaya ito nasagasaan ng rider.
Nagpagulong-gulong sa kalsada ang rider, na naging dahilan para magkaroon siya ng mga galos sa katawan.
Sinabi ng tiyahin ng biktima na pauwi na sana galing trabaho ang pamangkin nang maganap ang aksidente.
Depensa ng may-ari ng aso, pinakakawalan niya tuwing gabi ang mga alaga bilang proteksyon mula sa mga magnanakaw.
Sa paghaharap ng rider at may-ari sa barangay, napagdiskusyunan ang ayuda sa rider, lalo na sa mga araw na hindi siya makakapagtrabaho dahil sa insidente.
Hindi naman binanggit sa ulat kung ano ang sinapit ng aso. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
