Ipinaliwanag ni dating Anakalusugan party-list representative Mike Defensor na tinulungan lang niya ang 18 nagpakilalang mga ex-Marines na nagsabing naghatid sila ng mga maletang may lamang pera sa iba’t ibang politiko. Ngunit itinanggi niya na may kinalaman siya sa pagbuo ng affidavit ng mga ito.
Ayon kay Defensor, si Atty. Levito Baligod ang direktang nakikipag-ugnayan sa mga umano’y dating mga sundalo.
“Kahit na 'yung paghanap sa kanila, hindi ko sila nakikita ng mga panahon 'yun. For security reasons. So si Atty. Levi lang talaga ang kausap nila. Hindi ko sila nakakaharap. Wala akong pag-uusap sa kanila. And in fact, nung after na lang [ng presscon] ko na lang sila nakaharap,” pahayag ni Defensor sa panayam ng Super Radyo dzBB nitong Sabado.
“Hindi ako ang direktang kausap ng mga ‘yan. Pero siyempre, sinabi ko nga noon pa man, nung kay Guteza pa lang, na may mga lalabas na kasama,” patungkol ni Defensor kay Orly Guteza, na naunang tumestigo sa pagdinig ng Senado tungkol sa flood control scandal, at nagsabing nahatid din siya ng mga maleta ng pera kay dating Congressman Zaldy Co, at iba pang mambabatas.
Nauna nang inakusahan ni dating senador Antonio Trillanes IV, na si Defensor umano ang nasa likod ng mga ginawang alegasyon ng mga dating sundalo.
Sinabi rin ng dating senador na ang sasakyang ginamit sa paghatid sa mga dating sundalo sa press conference noong Martes ay nakarehistro sa pangalan ng asawa ni Defensor.
Nang tanungin kung totoo ito, hindi nagbigay ng tuwirang sagot si Defensor at sa halip ay kinuwestiyon kung bakit siya minamanmanan.
“Hindi ko nga alam kung paano nila nalaman. Iyon pala, sinu-surveillance pala nila. Hindi na nila kailangan i-surveillance, tawagan lang nila ako,” anang dating kongresista.
Nang usisain pa tungkol sa mga nagpakilalang dating sundalo, sinabi ni Defensor na tumutulong siya sa mga ito.
“May kinalaman ako. Hindi ko itinatago. In fact, tumutulong ako dito sa mga taong 'to. And ngayon na lumabas sila, marami na rin tumutulong. But prior to that [press conference], talagang wala. Hindi ko sila kausap. Wala akong connection sa kanila, si Atty. Levi Baligod lamang. And ako talaga tumutulong ngayon at sa darating na panahon,” dagdag ni Defensor.
“Natutuwa naman rin ako na lumabas na itong mga makabayan nating sundalo at nagsasalita tungkol doon sa abutan ng pera. And actually. hindi ko alam pati 'yung affidavit nila. Nakita ko ‘yung mga draft, nakita ko ‘yung lahat pero hindi ako pwedeng makialam. Hindi ko sila kausap. Pero nakakagulat. Grabe. Senado, Kongreso, lahat ng institusyon ng gobyerno, Presidente,” giit niya.
Iginiit ni Defensor na hindi binayaran ang mga dating sundalo para gawin ang mga isiniwalat ng mga ito.
“Iyong pagtulong ko sa kanila, katulad yan, transportasyon, nung sila pumunta doon sa press conference, kung ano man yung pagtatago na kailangan magsama-sama sila, tumutulong ako. Marami pa tumutulong. Isa lang ako sa mga tumutulong sa kanila,” pahayag naman ni Defensor sa panayam ng GTV News Balitanghali.
“Patuloy akong tutulong sa kanila pero para sabihin na binayaran para magsalita, wala pong katotohanan ‘yan,” giit niya.
Una rito, nanawagan si Baligod kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla na siyasatin ang mga alegasyon ng mga dating sundalo.
Ayon naman sa Ombudsman, kanilang susuriin ang merito ng affidavit, gayundin ang kredibilidad ng mga dating sundalo. — Llanesca T. Panti/FRJ GMA Integrated News
