Kinumpirma ni Gee Canlas na hiwalay na sila ng asawang si Archie Alemania, at sinabing, “I was the one who left the marriage."

Sa kaniyang guesting sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Martes, tinanong ni Tito Boy si Gee tungkol sa naging sitwasyon nilang mag-asawa.

"That was not a decision I took lightly. It's not something na parang on a whim ginawa na lang or nag-decide na lang nang ganu’n. I made sure that I was at a point in my life na I was weighing what matters most in my life, kaya tayo nandito ngayon," sabi ni Gee.

Pag-amin ni Gee, hindi naging madali ang paghihiwalay nila ni Archie at isang bagay na kaniya pang pinoproseso.

Dagdag niya, patuloy ang paghingi niya ng panalangin, hanggang sa isuko na niya ang lahat sa Diyos.

Gayunman, sinabi ni Gee na hindi iyon mutual decision.

"I left. I was the one who left the marriage," sabi niya.

Nilinaw din niya na hindi ang pagsasampa ni Rita Daniela ng kasong acts of lasciviousness laban kay Archie ang pinakadahilan ng kanilang hiwalayan.

"I don't think Tito Boy na it's one specific thing. It's not a black and white, one plus one kind of situation. Overtime, nag-accumulate 'yung mga bagay bagay. So a lot of pieces that eventually caused the demise of our marriage," ani Gee.

"I really tried to fight to keep my family together because at that time, nasabihan ako na you have to be strong. So ang nangyari was I didn't have time to absorb it right away, ang sa 'kin is how do I save my family? How do I come through for my child?" pagpapatuloy niya.

Pero ayon kay Gee, wala pa sa isip niya ang pagsasampa ng annulment at prayoridad niya ngayon ang pagbibigay ng stable na environment para sa kaniyang anak na si Caleb.

Nang tanungin ni Tito Boy si Gee kung nagalit ba siya tungkol sa sitwasyon, sinabi niyang lungkot ang kaniyang nararamdaman.

"I'm sad because hindi mo 'to pinaplano… To me, you get into a relationship, you get married, you have kids, to me parang okay na. But I'm in the process right now of accepting what is. 'Yung galit is being human eh. But now it's more of, wala na," paliwanag niya.

Pinagsisisihan pa ni Gee na hindi agad siya umalis nang mas maaga.

"I should have listened to myself na parang feeling ko nauubos na. I'm a very colorful person, I'm a very goofy person, over the years parang nawala," pag-amin niya.

Sinabi niyang takot siyang iwan ang buhay may-asawa. Sinabi pa niyang nagtiwala pa siya dapat sa Diyos, dahil hindi na naaayos ang samahan nila ni Archie.

Kung may ipagpapasalamat man siya, ito ay ang kaniyang anak na si Caleb.

Mas natututo pa raw si Gee ngayon na maging “present.”

"Parang nawala ako," sabi niya. "I feel like if I absorb fully na ngayon kausap kita, nag-uusap tayo ngayon, then I can fully be here, I can be present. 'Yun 'yung natututunan ko kasi kasi that's how I can also be there for Caleb na hindi lumilipad 'yung utak, ang daming wino-worry, ang daming iniisip. Si Caleb 'yung one thing that allows me to be present and zero in."

Napanonood ngayon si Gee sa GMA Afternoon Prime series na "House of Lies," kasama sina Beauty Gonzalez, Kris Bernal, Mike Tan, at Martin Del Rosario. Napanonood ito ng weekday ng 3:20 p.m. pagkatapos ng "Hating Kapatid." – FRJ GMA Integrated News